ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | December 27, 2022
Limang iba’t ibang kuwento ang naganap bago mag-Pasko na kinasangkutan ng ating mga 'kagulong' na kaya natin isinulat ay upang mapagkunan ng aral ng ating mga kababayang ang buhay, araw-araw ay magmaneho ng motorsiklo.
Tatlo sa kanila ang hindi na umabot ng buhay, isang araw bago mag-Pasko dahil sa mga pagkakamaling dapat naiwasan, isa ang hindi na nakapagdiwang ng Pasko dahil pinaghahanap na ng pulisya at isang ‘kagulong’ natin ang dapat namang tularan dahil sa ginawa niyang pagtaas sa hanay ng ating mga ‘kagulong’.
Una ay ang kuwento ng 22-anyos na binata, na ang hanapbuhay ay magmekaniko ng mga motorsiklo sa kanilang lugar sa Bgy. Conconig East, Sta Lucia, Ilocos Sur na hindi na nagawang magpakasal dahil hindi na siya umabot ng Pasko na buhay.
Gabi, bago magbisperas ng Pasko ay binabaybay ng binata ang kahabaan ng national highway sa Bgy. Barangobong, Sta Lucia ng lalawigan na nabanggit, patungong hilagang direksyon lulan ang Suzuki Raider motorcycle.
Kasalubong naman nito ang humahagibis na Toyota Fortuner na minamaneho ng negosyante ng Bgy. Alcantara, Vigan City ng lalawigan ding nabanggit na tinatahak ang direksyon patungong timog nang bigla na lamang silang magsalpukan na ikinasawi ng ating ‘kagulong’.
Sa inisyal na imbestigasyon ay naghahabol na umanong makauwi ang binata at hindi namalayan na sinakop na nito ang linya na sana ay para sa Fortuner kaya sila nagsalpukan at dahil sa dami ng tinamong sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay idineklara na itong dean-on-arrival sa Sta. Lucia District Hospital.
Nasawi rin ang isa nating ‘kagulong’ matapos na makipag-away na nauwi sa suntukan sa isa ring tricycle driver dahil lamang sa agawan sa isang batang pasahero Barangay Talaan Pantoc, Sariaya, Quezon noong mismong bisperas ng Pasko ng gabi.
Nasawi ang 53-anyos nating ‘kagulong’ nang mag-collapsed matapos itong gulpihin ng kapwa niya tricycle driver na hinihinalang hindi na kinaya ng kanyang kalusugan ang sinapit na pananakit dahil sa kanyang edad.
Ayon sa imbestigasyon ng Sariaya PNP, nagsimula ang sigalot ng dalawa dahil sa parehong naghahabol ng karagdagang kita para sa bisperas ng Pasko at isinakay umano ng salarin ang batang pasahero na kumaway ng tricycle.
Nauna ang salarin at isinakay ang pasahero, ngunit nagalit umano ang nasawi dahil sa pribado umano ang tricycle ng salarin at siya ang lehitimong namamasada sa naturang lugar na nauwi sa suntukan na ikinapagod ng biktima at naging dahilan ng maaga niyang pagkasawi bago tumakas ang salarin.
Isang kagulong pa natin mula sa Sitio Bascaran, Bgy. Libod, Camalig, Albay ang hindi na umabot sa Pasko dahil nagmaneho ito ng walang lisensya, walang suot na helmet at lasing na lasing pa habang matulin nitong binabaybay bandang alas-4: 00 ng hapon ang kahabaan ng highway ng Camalig, Albay.
Sinalpok nito ang ambulansiya ng Josefina Belmonte Duran Hospital ng Ligao, Albay na naging sanhi ng agad nitong pagkamatay kaya hindi na nagsampa ng reklamo ang mga kaanak ng nasawi nating ‘kagulong’.
Puring-puri naman ng mga netizen ang isang nating ‘kagulong’ na si John Libao, Grab rider dahil sa ginawa nitong pagsauli sa napulot niyang wallet na pag-aari ng isang Mariel Canaoag sa kahabaan ng Victoria highway, Masapang, Laguna.
Trending ang tatlong oras na paghahanap ni Libao sa bahay ng may-ari ng wallet sa nabanggit ding lalawigan basta’t maisauli lamang ang napulot na wallet na kabayanihang maituturing sa hanay ng ating mga ‘kagulong’.
Kung may ilang kaganapan na hindi kaaya-aya na kinasangkutan ng ating mga ‘kagulong’ ay mabuting magsilbi itong babala upang makaiwas na tayo sa ganitong pangyayari lalo pa at paparating ang bagong taon, kung saan kabi-kabila din ang selebrasyon.
Sa ‘kagulong’ nating nagsauli ng wallet, ikinararangal ka ng 1-Rider Party List at sana ay dumami pa ang tulad mo.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.