ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Enero 12, 2023
Maganda ang sinimulan ng The Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na QR code system sa pagtanggap at pagtugon hinggil sa reklamo ng mga pasahero laban sa mga isnaberong driver at hindi maayos na tsuper ng Public Utility Vehicle (PUV).
Sinimulan nila ang sistemang ito nito lamang nagdaang Christmas season dahil ito ang panahong umaatake ang mga abusadong tsuper na kung hindi namimili ng isasakay na pasahero ay nangongontrata na matagal ng problema sa ating bansa.
Noon pa man ay naririnig na natin ang problemang ito at ngayon ay isa na tayong Representante ng 1-Rider Partylist at isa ng ganap na abogado, ngunit nananatiling problema pa rin ang lahat at ngayon ay mabuting ipinapatupad ng LTFRB ang QR code.
Gamit ang smart phone ay kailangang i-scan lamang ang QR code at lalabas na ang ‘Oplan Isnabero Complaint Form’ at may mga katanungang dapat sagutin kabilang na ang pangalan ng nagrereklamo, araw at oras ng insidente at ang plate number ng taxi o iba pang PUV na inirereklamo.
May iba pang detalye na kailangang tugunin ng mga nagrereklamo, partikular ang mga larawan o video na puwedeng i-upload bilang ebidensya na talagang may pang-aabusong naganap.
Kung seserysohin lamang ng LTFRB ang QR code system ay tiyak na mababawasan ang mga mapagsamantalang taxi driver at abusadong PUV driver na binabalewala ang umiiral na batas.
Kailangang mapanagot sa batas ang mga abusadong driver dahil hindi lahat ay mapagsamantala, pinoproteksyunan lang natin ang mga matitinong driver na pareho at maayos na naghahapbuhay.
Ang kailangan lamang sa QR code system ay palawakin pa ang kaalaman ng publiko hinggil dito at tiyaking naglipana ang mga QR code ng LTFRB sa mga lugar na kakailanganin ito ng pasahero.
Hindi lahat ng pasahero ay marunong sa social media, marami tayong kababayan na text at tawag lamang ang alam kaya makabubuting palakasin ang kampanya ng LTFRB hinggil sa paggamit ng QR code.
Nitong nagdaang mga araw ay inulan ng reklamo ang social media dahil sa iba’t ibang karanasan nila sa abusadong taxi driver, ngunit kahit isa ay wala man lamang natugunan ang kahit na anong ahensya ng pamahalaan.
Kunsabagay, hindi tumitigil ang operatiba ng LTFRB, Inter-Agency Council on Traffic (I-ACT), Metro Manila Development Authority (MMDA), Land Transportation Office (LTO), Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP-HPG) at enforcers ng local government units.
Ang problema lamang ay nakaliligtas ang mga abusadong taxi driver dahil walang seryosong nagrereklamo dahil sa haba ng proseso at ayaw maabala ng mga pasahero.
Nitong nakaraang linggo ay nagpresenta ng huli ang LTO- National Capital Region West (LTO-NCR-West), kung saan nakaaresto sila ng limang taxi driver na tumangging magsakay ng pasahero na kagagaling lamang magbakasyon sa probinsya.
Ang operasyon ng LTO ay bahagi rin ng kanilang ‘Oplan Isnabero’ at nagtalaga sila ng kanilang operatiba sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) at sa ilang lugar sa Pasay City.
Base sa Joint Administrative Order No. 2014-01, the penalty for “refusal to render service to the public or convey passenger to destination” ranges from P5,000 up to P15,000 and cancellation of the Certificate of Public Conveyance (CPC).
Kung tutuusin, kung talagang manghuhuli lamang ang santambak nating operatiba ay marami talaga ang masasakote at titino ang serbisyo ng pampublikong sasakyan, ang problema ay mas inuuna ang ‘papogi’ at tuwing Kapaskuhan lamang nanghuhuli tapos sa susunod na Pasko na ulit.
Ngayon heto ang LTFRB, nakikitaan ng publiko ng potensyal ang kanilang QR code system, sana lang ang huwag itong gawing ningas-kugon lamang dahil malaking bagay ito kung seseryosohin at tutugunan ang matatanggap nilang reklamo.
Ipaalam din sana ng LTFRB sa publiko kung ilan na ang kanilang natulungang pasahero at kung ilang abusadong driver na ang napatawan ng kaukulang parusa na naaayon sa batas.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.