ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Enero 19, 2023
Palagi nating tinatanong kung nasa tamang direksyon ba ang ‘Libreng Sakay’ dahil ilang ulit na itong itinigil, ngunit palaging ibinabalik ng pamahalaan dahil sa palakas nang palakas na panawagan ng publiko na huwag itigil.
Ang programa ng pamahalaan na ‘Libreng Sakay’ ay nagsimula noong 2020 bilang inisyatibo na ang gobyerno ay tahasang tumutugon sa pangangailangan ng publiko na nakararanas ng paghihirap sa biyahe.
Ngunit nitong nakaraang Disyembre 31, 2022 ay inanunsyo ng pamahalaan na tapos na ang ‘Libreng Sakay’ at hindi na muling ibabalik pa ang programa kahit kailan na labis na ikinalungkot ng maraming mananakay.
Base sa ulat ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) umabot sa kabuuang 164,966,373 pasahero ang nakinabang sa programang ‘Libreng Sakay’ sa kahabaan ng EDSA hanggang sa Disyembre 27, 2022, ilang araw bago ito itigil.
Ang ‘Libreng Sakay’ sa kahabaan ng EDSA gamit ang Bus Carousel ay nagsimula noong Hulyo 2020 na bumibiyahe mula PITX (Paranaque Integrated Terminal Exchange) patungo sa Monumento, Caloocan City sa ilalim ng panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ipinatupad ang Libreng Sakay sa kasagsagan ng pandemya dahil biglang nagkahirapan ang biyahe sa Kamaynilaan hanggang sa magtuluy-tuloy na at ipinagpatuloy na rin ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr..
Bale joint program ito ng Department of Transportation (DOTr) at ng LTFRB upang maalalayan ang mga pasahero na makasabay sa gastusin dahil sa mabilis na pagtaas ng mga bilihin—ang programang ito ay inilunsad noong 2020 sa ilalim ng Republic Act 11494 o ang Bayanihan to Recover as One Act.
Ang naturang programa ay naka-tie-up din sa tanggapan ng Vice-President na ‘Peak Hours Augmentation Bus Service (PHABS)-Libreng Sakay’ na inilunsad naman ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte noong Agosto 3, 2020 sa mga pangunahing lugar sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Ang ‘Libreng Sakay’ program ay nag-alok din ng libreng sakay sa MRT, LRT 1 at 2 para sa mga estudyante sa panahon ng Agosto 2021 na ilang ulit ding pinalawig hanggang Mayo 2022 at sa huling pagkakataon ay pinalawig pang muli ni P-BBM hanggang Hulyo 2022 dahil sa pagbubukas ng face-to-face classes.
Sa nakaraang administrasyon, may libreng Shuttle Service rin para sa mga Health Workers na programa naman ni dating vice-president Leni Robredo dahil din sa kasagsagan ng pandemya na noon ay may kabi-kabilang lockdown.
Ang punto lamang natin dito ay tila nahihirati na sa libreng sakay ang ating mga kababayan at hindi natin maintindihan kung sadya bang nais ng pamahalaan na ituloy pa ang programang ‘Libreng Sakay’ o sadyang hindi natin alam kung paano ito ititigil ng tuluyan para maging normal na ang lahat.
Pondo ang naging problema, kaya natigil ang ‘Libreng Sakay’, pero tiniyak ng Department of Budget and Management (DBM) nitong nakaraang Huwebes na tuloy na muli ang ‘Libreng Sakay’ matapos maaprubahan ang PHP5.268-trillion national budget para sa taong ito.
May pondo ang Service Contracting Program sa ating Fiscal Year (FY) 2023 General Appropriations Act at tumataginting na PHP1.285 bilyon ang inilaan para lamang maituloy ang programa ng ‘Libreng Sakay’.
Ilang araw bago ang anunsyo ay sinabi rin ng LTFRB na ang ‘Libreng Sakay’ ay agad ibabalik sa oras na ilabas na ng DBM ang budget para rito na sa kasalukuyan ay hinihintay naman ang pagproseso ng proper documentation, kabilang na ang contract signing sa mga bus consortium.
May balita na ngayong darating na Pebrero ay tuloy na naman ang ‘Libreng Sakay’ at sabik na sabik na ang ating mga kababayan kung kailan talaga ang pagbabalik pero ang mahalaga ay maibabalik na ang programang ito.
Sa isang banda ay maganda ang epekto ng libreng sakay para matulungang makaahon ang marami sa ating kababayan na hanggang ngayon ay bumabawi pa sa pagkakasubsob dulot ng pandemya.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.