ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Enero 24, 2023
Sa pagpasok pa lamang ng taon, sinalubong tayo ng napakalaking problema nang magkaroon ng aberya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), na kahit ipinatawag na sa Senado ang mga responsable sa pangyayari ay tila wala namang nangyari.
Wala namang napiga ang Senado dahil sa usaping teknikal ang napadpad ang imbestigasyon at ang masaklap, naulit ang kahalintulad na pangyayari nito lamang nakaraang linggo at mahigit sa tatlong libong pasahero na naman ang naapektuhan.
Hindi pa natin alam kung ano na ang direksyong tinatahak ng mga pangyayaring ito kung may mga ulo bang gugulong para papanagutin sa naturang pangyayari o mababaon na lamang ito sa limot tulad ng ibang aberya sa pamahalaan.
Gayunman, dapat nating panghawakan ang anunsiyo ng pamahalaan na itutuloy umano ang malalaking proyekto na iniwan ng nakaraang administrasyon, partikular ang pagtuon sa pampublikong transportasyon.
Isa na rito ang Metro Manila Subway project na pinasinayaan na ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. (P-BBM) ang tunnel boring machine na gagamitin sa Metro Manila subway construction at hudyat na ito ng drilling operations sa Valenzuela City.
Natural na posible munang magdulot ng pagsisikip ng daloy ng trapiko dahil aabutin ng ilang taon bago makumpleto ang naturang proyekto kaya maging si P-BBM ay umaapela na sa publiko ng mahabang pasensya.
Ang 33.1 kilometro na Metro Manila subway ay magmumula sa Valenzuela City at magtatapos sa Parañaque City, na ayon sa Department of Transportation (DOTr) ay nasa 519,000 pasahero araw-araw ang makikinabang sa itatayong 17 istasyon.
Noong Enero 9, 2023 ay nagsimula nang umandar ang tunnel boring machine sa bahagi ng Valenzuela, na siyang bubutas sa gagawing tunnel ng Metro Manila Subway Project (MMSP) na kauna-unahang subway sa Pilipinas.
Indikasyon na ang naturang launching ng tunnel boring machine na handa ang pamahalaang ito na ipagpatuloy ang mga naantalang proyekto ng nakaraang administrasyon, lalo na sa kapakanan ng mga biyahero sa bansa.
Ang simula nang pagbubutas ng tunnel sa Valenzuela City ay kasama sa Contract Package (CP) 101 ng MMSP— nakapaloob dito ang pagtatayo ng MMSP Depot at Philippine Railway Institute sa Valenzuela City.
Tatlong underground stations sa Quezon City (Quirino Highway, Tandang Sora & North Ave), semi-underground station ng Valenzuela City depot at anim na tunnel na magdudugtong sa mga ito. Anim na TBM ang gagamitin para sa excavation ng mga tunnels ng CP 101.
Ang mga TBM ay mas mabilis, epektibo at ligtas na gamit para sa paghuhukay sa lupa at paglatag ng mga tunnels dahil may kakayahan itong maghukay ng iba’t ibang klase ng lupa tulad ng matitigas na bato o buhangin.
May kabuuang 25 TBM ang nakahandang gamitin para mabilis na maisakatuparan hanggang sa matapos ang Metro Manila subway na ito, na ngayon pa lamang ay excited na ang marami nating kababayan.
Kasabay nito ay itatayo na rin ang state-of-the-art at modernong Philippine Railway Institute (PRI), ito ang kauna-unahang railways training institute na magsisilbing planning, implementing, at regulatory agency para sa human resources development, at research and training center sa ating railway sector.
Ang mga pasahero mula sa walong siyudad ang direktang makikinabang sa Metro Manila Subway na daraanan nito mula sa Valenzuela City hanggang FTI-Parañaque City, at may sanga patungong NAIA Terminal 3, Pasay City.
Libu-libong kababayan natin ang tiyak na mabibigyan ng trabaho sa proyektong ito mula sa pagsisimula ng konstruksiyon hanggang sa matapos at magsimula ang operasyon ng inaabangang subway na ito.
Higit sa lahat, maihahanay na ang ating bansa sa mauunlad na bansa na may mga underground mass transport, na kitang-kita naman natin kung gaano kalaki ang magiging benepisyo nito para sa mga mananakay.
Karangalan din natin bilang isang Pilipino ang proyektong ito, na sana lang ay hindi na magkaaberya tulad ng nangyari sa NAIA kamakailan.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.