ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | May 18, 2024
Pinatatapos na sa Kamara ang ongoing five-year Motorcycle Taxi Pilot Program base sa rekomendasyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Inihayag ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz, head ng MC Taxi Technical Working Group (TWG), gagawin lamang ito kung maisasabatas na ang MC Taxi Bill.
Nanindigan si Guadiz na huwag nang tumanggap ng akreditasyon ng mga bagong player ng MC taxi service at sa halip ay ituloy na lamang ang tatlong kasalukuyang operators na Angkas, Joyride, at Move It.
Idingdag pa ng LTFRB na bahagi umano ng rekomendasyon ay mula sa kanilang tanggapan na patuloy na imonitor ang mga kabilang sa pilot study.
Kasama rin umano rito ang rekomendasyon na hindi na muna mag-accredit ng karagdagang players sa pilot study. Mini-maintain na lamang umano ang mga naunang kalahok at nagsasagawa lamang ang LTFRB ng monitoring para sa posibleng paglabag bago isapinal ang lahat.
Medyo may katagalan na rin ang pilot study na ito na sinimulan noon pang taong 2019 nang ilunsad ito.
Ngunit naharap ito sa iba’t ibang pagsubok gaya na lamang ng expansion ng operasyon ng MC taxi service sa labas ng Metro Manila.
Magkagayunman ay tiniyak ng LTFRB na hindi na kailangan ng extension. Habang ginagawa umano ang batas, itutuloy lang umano ang programa kasi 45,000 umano ‘yung binigyan ng slots sa Metro Manila na posibleng mawalan ng trabaho kung hindi maisasaayos.
Bagama’t napakarami pa ng inaayos ay kitang-kita na ang dulo ng baraha na positibo ang kahihinatnan ng hakbanging ito pabor sa ating mga ‘kagulong’.
Hindi na sana magkaroon ng problema sa panig ng ilang grupo na nais pang makilahok dahil sa ang LTFRB ang nakakaalam kung paano ‘yan isasaayos.
Hintayin na lang muna nating tumining ang sitwasyon, at pasasaan ba at maraming ‘kagulong’ din natin ang makikinabang sa oras na maging maayos na ang lahat.
Marami sa ating mga ‘kagulong’ ang excited na para rito, maging ang mga pasahero ay sabik nang maging legal ang mga motorcycle taxi para rin nga naman sa kanilang kaligtasan.
Sabagay, panahon na talaga na para paspasan ang pagiging legal ng motorcycle taxi sa bansa dahil habang tumatagal ay nanganganak ng problema na sa araw-araw ay dumarami rin ang reklamo laban sa mga kolorum na motorcycle taxi.
Marami kasi ang hindi dumaraan sa proseso ng booking dahil may mga terminal na para sa mga kolorum na motorcycle taxi at may mga barker na rin na tumatawag ng pasahero kaya direkta na ang transaksyon.
Ang problema sa mga ito ay hindi matukoy sa oras na may nagreklamo — tulad halimbawa noong isang dalagang pasahero na dinala umano sa madilim na bahagi at doon ay pinagtangkaang halayin — mabuti at nakatakbo ang biktima.
May mga kaso na rin ng overpricing dahil nga hanggang sa kasalukuyan ay wala pang umiiral na batas kung paano ang tamang singilan, maliban na lamang sa mga legal na riding hailing apps.
Pero konting tiis na lamang at malapit na malapit na ito — proud na proud ako sa ating mga ‘kagulong’ dahil ngayon pa lamang ay ramdam na ramdam na ang mabuting serbisyo ng motorsiklo sa bansa.
Ngayon, hindi lang mga manggagawa ang nabibigyan natin ng serbisyo kundi maging ang mga mag-aaral ay kaakibat na tayo sa kanilang pagtatapos ng pag-aaral — bukod pa sa napakaraming serbisyong dulot ng motorsiklo.
Doblehin pa natin ang pag-iingat upang mas lalo tayong pagkatiwalaan ng ating mga kababayan.
Mawawala na ang ‘kamoteng’ tingin sa mga rider dahil sa kapita-pitagan nang maging isang rider sa panahong ito.
Nakakatuwang isipin na dahil sa motorsiklo ay naibsan ang bilang ng mga walang hanapbuhay sa bansa.
Marami kasing motorista ang nagrereklamo dahil sa pagdagsa ng motorsiklo sa lansangan, pero kung titingnan natin ang mabilis na serbisyong dulot nito ay pasasalamatan natin ang pagdami ng motorsiklo sa bansa.
Napakabilis na ng mga transaksyon dahil sa bilis din ng teknolohiya at hindi tayo pisikal na makakasabay kung wala ang mga rider sa bansa.
Kaya sa ayaw natin o sa gusto, motorsiklo na ang bagong pag-asa kung serbisyo rin lang ang pag-uusapan.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.