ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | March 2, 2023
Kamakailan ay tinalakay natin sa ating panulat ang paulit-ulit na pagbibigay ng deadline ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa mga tradisyunal na jeep bilang bahagi ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng gobyerno.
Palagi kasing walang nangyayari sa desisyon ng LTFRB na sa halip na maisaayos ang problema sa modernisasyon ay tila nauuwi lang sa kaguluhan dahil humahantong sa usaping hapag-kainan ng pamilya ng mga mawawalan ng hanapbuhay laban sa modernisasyon.
Noon ay nakiusap tayo na kung muling ipatutupad ang pagbibigay ng taning sa mga tradisyunal na jeep, dapat na pag-aralang mabuti ng LTFRB upang hindi masayang ang mga kaganapan na tulad ng dati ay nauuwi lang sa wala dahil sa pagbibigay ng palugit.
Ngayon, heto at muling umatake ang LTFRB na hindi na naman ikinonsidera kung ano ang magiging epekto at tulad ng dapat asahan, muling nagising ang mga nananahimik na tsuper at handang ilaban nang patayan ang kanilang kalagayan.
Dahil sa mga banta ng tigil-pasada, napukaw na naman ang atensyon ng publiko at wala namang bagong argumento ang mga operator at tsuper, maliban sa labis na maaapektuhan ang kanilang hapag-kainan at marami sa kanila ang maliliit pa ang mga anak.
Lalo pang tumatag ang katayuan ng mga operator at tsuper dahil nakakuha sila ng suporta sa Senado na halos lahat ay sumuporta sa isinumiteng resolusyon na dapat ay huwag munang ituloy ang taning sa Hunyo 30 ang pag-phaseout ng mga lumang jeep.
Hindi biro ang 24 na Senador na nag-co-authors sa Senate Resolution No. 44 at nakatakda ang public hearing sa darating na Martes, ngunit ngayon pa lamang ay tila alam na natin ang kahihinatnan ng nakatakdang pagdinig.
Nakapaloob kasi sa Senate Resolution No. 44 na iginiit ng Senado sa LTFRB at sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno na tutukan muna ang hinaing ng mga apektadong operator at driver tungkol PUVMP ng pamahalaan.
Gusto ng mga operator at tsuper na ibasura ang Memorandum Circular 2023-013 ng LTFRB, na hanggang Hunyo 30, 2023 na lamang ang prangkisa ng mga jeepney maliban kung sasanib sila sa kooperatiba o korporasyon kung saan mapapalawig ang kanilang franchise hanggang Disyembre 31, 2023.
Kung iisa-isahin natin ang pahayag ng mga Senador, parang naglagay tayo ng imbudo na iisa ang direksyon at lahat ay nag-aalala sa magiging kalagayan ng mga operator at tsuper na mawawalan ng hanapbuhay.
Wala namang Senador na tumututol sa modernisasyon, ngunit tila nagkakaisa ang lahat na ayusin at ihanda muna ang sitwasyon na sa tingin naman ng LTFRB ay hindi na kailangan at napapanahon na para ipatupad ang PUVMP ng pamahalaan.
Nanindigan naman ang Department of Transportation (DOTr) na hindi nila isususpinde ang implementasyon ng PUVMP kahit mas matagal pa sa isang linggong tigil-pasada ang isagawa ng mga jeepney at UV Express driver na sisimulan na sa Marso 6.
Ibig sabihin, parehong matigas at buong-buo ang paninindigan ng magkabilang panig na kung walang magbibigay ay hindi natin alam kung saan hahantong ang planong modernisasyon ng pamahalaan at ng mga tsuper na isinasangga naman ang kanilang hapag-kainan.
Pero sana lang ay maisip ng magkabilang panig na sa paulit-ulit nilang bangayan ay nasa walong milyong pasahero sa Metro Manila ang naaapektuhan, kaya kung kayang tapusin ay tapusin na, ngunit kung hindi naman kaya ng LTFRB ay mabuting itigil na.
Tiyak naman na sa ‘dayalogo’ rin ang bagsak ng kasalukuyang usapin at dahil wala namang ibang patutunguhan kundi ang magbigay na naman ng palugit ang LTFRB dahil hindi naman nila kayang pakainin ang mga tsuper at operator na mawawalan ng hanapbuhay.
Isa pa, patupad nang patupad ng modernisasyon ang LTFRB, pero hindi nila pinaghandaan, kaya ang nangyayari ay nagiging usapin na lang ito kung ano ang nauna—itlog ba o manok? Napanood na natin ito, replay na naman!
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.