ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | June 1, 2024
Sa dinami-dami ng istoryang inilabas natin patungkol sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ay hindi na nakatiis si Sen. Grace Poe na magsalita hinggil dito bilang chairperson ng Senate Committee on Public Services.
Walang kagatul-gatol na sinabi ni Senadora Grace Poe na palpak talaga ang Department of Transportation (DOTr) sa PUVMP dahil sa rami ng mga tsuper na nawalan ng trabaho nang walisin ang mga traditional jeepney kapalit ng modern jeepney na mukhang kahon lamang.
Ayon pa kay Sen. Poe, bagama’t marami ang nagsasabi na may katiwalian umano sa PUV modernization program, ang nakikita niya ay kapalpakan sa implementasyon ng programa.
Ayaw umanong magbitaw ng basta-bastang pahayag ni Sen. Poe hangga’t hindi nito hawak ang dokumento ng katiwalian. Ngunit andami na umano niyang nadidinig, hindi tungkol sa katiwalian kundi incompetence.
Binanggit ng senadora na hindi pulido ang pagkakagawa ng plano at hindi rin umano maganda ang design ng modern jeep dahil para itong kahon at nawala ang iconic na disenyo ng jeepney.
Isa pa sa malaking usapin ngayon ay ang kinukuwestiyon ni Sen. Poe kung saan na napunta ang P200 milyon na inilaan para sa mga tsuper na maaapektuhan ng PUVMP.
Lumalabas kasi na kahit singkong duling ay wala pa silang naipapamahagi mula sa kabuuang P200 milyon na para sa mga naapektuhang tsuper kaya inaalam na ito ngayon ni Sen. Poe.
Nabatid na isa ang DOTr sa mga pinakamababang “utilization rate” sa gobyerno kaya nasasayang lamang ang pondong inilalaan dito dahil hindi naman nagagamit.
Hindi sinisisi ni Sen. Poe ang pamunuan ng DOTr dahil posibleng mayroon namang itong mga tauhan na silang sumablay sa implementasyon ng PUVMP at iba pang trabaho sa kagawaran.
Ayon sa senadora hindi naman niya kinukuwestiyon ang intensyon ng DOTr dahil buo umano ang kanyang paniniwala na magiging maayos ang lahat sa panig man ng tsuper o pasahero.
Sinabi pa ni Sen. Poe na sana ay wala umanong maiwan sa kangkungan sa pagpapatupad ng PUVMP na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin plantsado.
Kaya may karapatan din pala talagang mag-ingay itong mga transport group dahil ilan sa kanila ay alam na may P200 milyong pondo na inilaan para sa kanila — kaso hindi pa naipapamahagi.
Ngayong inanunsyo na ni Sen. Poe ang tungkol sa P200 milyon, tiyak na maraming tsuper ang aalma hinggil dito. Tila kasi na-magic ang pondo na nakalaan para sa mga apektado ng PUVMP.
Andami nga namang tsuper na literal na namamalimos na sa kapwa nila mga driver na hindi pala dapat dahil may nakalaang tulong para sa mga naapektuhan ng pagpapatupad ng hindi mapulidong PUVMP.
Tama lang na maghanap na si Sen. Poe, pero hindi natin sinasabing tiwali na agad ang DOTr baka kasi may malaking dahilan lang kaya naantala ang pamamahagi.
At dahil sa paghahanap ni Sen. Poe sa P200 milyon ay baka agad-agad na ipamahagi na ito ng DOTr kesa nga naman kung saan pa mapunta.
Inuulit ko, huwag agad nating pangunahan ang DOTr — hintayin muna natin ang kanilang paliwanag kung bakit sa hinaba-haba ng panahon ay hindi pa rin nila ipinamamahagi ang naturang pondo.
Ang mahalaga ay buong iniingatan pa rin ang P200 milyong ito at hindi nawaldas sa kung saan — kaya relax lang!
Basta’t ayusin lang ng DOTr ang mga tsuper na wala nang pinagkakakitaan dahil tiyak na mag-iingay ang mga ito lalo pa at marami talaga ang apektado ng PUVMP.
Pasasaan ba at matatapos din ang usapin sa PUVMP. Sana lang ay hindi na ito humantong sa Senado o Kongreso para imbestigahan kung bakit hindi pa nareresolba.
Santambak kasi ang katuwiran ng DOTr kung bakit dapat ipatupad ang PUVMP, pero santambak din ang kontra-katuwiran ng mga transport group kaya hanggang ngayon ay hindi pa matapos.
Makabubuti sigurong magtayo na ang pamahalaan ng task force na binubuo ng iba’t ibang ahensya na may kaugnayan sa transportasyon upang maipatupad ang PUVMP nang tuluyan.
Masyadong mapuwersa ang transport group sa bansa at halata namang nahihirapan ang DOTr na pasunurin ito – panahon na para magbuo ng may kakayanan sa napakatagal na problemang ito.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.