ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | April 22, 2023
Kung dati ay namumroblema ang pamahalaan hinggil sa unti-unting pagkaubos ng ating mga teachers at nurses, ngayon ay may panibagong kakapusan ang bansa dahil sa unti-unting pagkaubos naman ng ating mga bus driver.
Dahil sa husay ng ating mga kababayan, hindi maiaalis na maraming bansa ang kumuha sa ating bansa ng mga mapagkakatiwalaang manggagawa at sa wakas ay napansin na rin nila ang husay ng ating mga bus driver.
Sabagay, sino ba naman ang hindi mamamangha sa husay na ating mga bus driver na maghapong nagmamaneho sa gitna ng siksikang daloy ng trapiko sa kahabaan ng EDSA at andar-hinto pa ang ginagawa dahil nagsasakay at nagbababa pa ng pasahero.
Walang pahinga ang driver ng isang pampasaherong bus, maliban sa pagkain ng tanghalian, habang ang pagkain nila ng merienda o pag-inom ng tubig ay isinasagawa nila sa gitna ng pamamasada na isang traffic violation pa, ngunit nagagawa nila ito nang mas mabilis para hindi mahuli.
Maging ang kanilang pag-ihi ay isinisingit lamang nila sa gitna ng masikip na daloy ng trapiko at kung walang pagsisikip ng trapiko, tinitiis na lamang nila sumabog ang kanilang pantog, maihatid lamang ang kanilang pasahero.
Ngunit sa isang panayam sa pamunuan ng Philippine Tourister City Bus and Philtranco Provincial Bus, nakumpirma natin na nagkakaroon ngayon ng kakulangan sa ating mga bus driver dahil malakas ngayon ang kaway ng trabaho sa ibang bansa.
Ramdam na umano ng iba’t ibang bus company sa bansa, lalo na ‘yung mga provincial bus company at mga kumpanyang nagmamay-ari ng mga bus sa ating carousel lane sa kahabaan ng EDSA, kung saan halos 50% na ang nabawas.
Sa kasalukuyan ay kumikita ng P1,200 ang isang bus driver na nagmamaneho ng 12 oras sa loob ng anim na araw sa isang linggo, na higit namang mataas sa umiiral na minimum wage sa Metro Manila plus commission at overtime.
Kung ikukumpara sa isang ordinaryong manggagawa, hindi hamak na mas malaki ang kinikita ng mga bus driver, ngunit kung titingnan naman kung sulit ang bayad sa kanilang pagod, dito nagkakaroon ng pagkakataong mag-isip ang isang bus driver na maghanap ng ibang pagkakakitaan.
May problema na rin sa mga provincial bus dahil sa advance booking ng mga pasahero at kung hindi kumpleto ang pasahero ay hindi babiyahe dahil karaniwan sa mga pasahero ay mas pinipili nang sumakay sa mga kolorum na van na door to door ang serbisyo, hindi tulad ng bus na ibababa pa ang pasahero ng PTEX na dulo na ng Metro Manila.
Dahil dito, marami na ang naeengganyo sa ating mga bus driver na mangibang-bansa dahil bukas ngayon ang New Zealand at Australia na nangangailangan ng maraming bus driver kapalit ng P150,000 hanggang P200,000 suweldo kada buwan.
Kapag bus driver mula sa Pilipinas ang kategorya ay agad na tinatanggap sa abroad dahil madali umano silang sanayin na magmaneho ng truck at iba pang klase ng heavy equipment na libre nang itinuturo sa papasukan nilang kumpanya sa ibang bansa.
Dahil dito, dumagsa na rin sa Technical Education And Skills Development Authority (TESDA) ang karamihan sa mga bus driver upang muling sumailalim sa pagsasanay at makakuha ng certification na siyang pangunahing kailangan sa pagtatrabaho sa abroad.
Magandang oportunidad din ito para sa mga kapatid nating driver ng mga pampasaherong jeepney dahil imbes na hanggang ngayon ay nakikipaglaban kayo para huwag mawala ang tradisyunal na jeepney sa kalye dahil sa modernization program ng pamahalaan, mabuting magsanay na rin kayo sa TESDA.
Mahuhusay ang ating mga jeepney driver at kaunting adjustment lang, na ituturo naman sa kanila ng TESDA hanggang customer service at karagdagang driving skills ay matututunan nila sa TESDA nang libre. Pagkatapos niyan, puwede na rin silang mangibang-bansa o maging karagdagang bus driver sa bansa.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.