ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | April 29, 2023
Ang Banawe ay isa sa pinakamasigla at pinakaabalang lugar sa buong Metro Manila na matatagpuan sa gitnang bahagi ng Quezon City sa Pilipinas dahil popular itong puntahan ng mga mahilig sa pagkain at nagbabalik alaala sa nagdaang kultura.
Dati kasing pinamahayan ng mga kapatid nating Tsino ang lugar na ito hanggang sa makabuo sila ng isang komunidad na kalaunan ay kumalat na sa iba’t ibang bahagi ng Quezon City.
Kasabay ng pagdami ng mga Chinese immigrants ang pagsikat din ng kanilang culinary traditions na masyadong malapit sa ating panlasa, na kalaunan ay nakasanayan at naipasa na sa mga susunod na lahi ng mga Pilipino.
Kaya ngayon ay naglipana ang iba’t ibang restoran sa Banawe at mga kalapit na kalsada kung saan matatagpuan ang pinaghalong timpla ng Chinese at Filipino na siyang nangungunang resto sa naturang lugar, bagama’t may mga kainan din na nagmula naman sa iba’t ibang bahagi ng Asya.
Ang Banawe ay hindi ikinokonsiderang tradisyunal na Chinatown tulad ng Binondo sa Manila at Ongpin St., ngunit kilala ito bilang malakas na Chinese community at ang impluwensya nila sa lugar ay hindi maitatanggi dahil sa dami ng mga negosyo at establisimyento na sila ang may-ari.
Ngunit sa paglipas ng panahon ay unti-unti na ring nakikilala ang Banawe dahil sa sobrang magkakadikit na car parts at accessories store o bilihan ng lahat ng klase ng piyesa ng sasakyan, kaya tinagurian itong ‘Autoparts Capital of the Philippines’.
Dinadayo na ito ng mga mahilig sa pagkain at maging ang mga naghahanap ng piyesa ng lahat ng klase ng sasakyan, local man o imported ay hindi mauubos ang kahabaan ng Banawe at tiyak na may piyesa ng sasakyang mahahanap.
Sa paglipas ng panahon, tila mas nakilala ang Banawe pagdating sa piyesa ng sasakyan at dito ay unti-unti na ring dumami ang mga kababayan nating naghahanapbuhay.
Ang dating maayos na kalakaran ay nahaluan na ng masasamang loob na kung tawagin ay ‘Buraot’ –sila ang mga naglipana sa kahabaan ng Banawe na bawat sasakyang pumapasok ay sumasalubong na at nagtatanong kung ano ang nais ipagawa o bilhin.
Karamihan sa mga ‘Buraot’ ay hindi konektado o mga empleyado ng mga bilihan ng auto parts, ngunit kapag sa kanila nakipag-usap ang nais bumili ng piyesa ay tiyak na mapapamahal ang presyo. Halimbawa, ang halagang P100 na bibilhin ay magiging P150 dahil ang karagdagang P50 ay mapupunta sa ‘Buraot’.
Naging kalakaran na sa kahabaan ng Banawe na lahat ng ‘Buraot’ na mag-e-escort ng customer sa bilihan ng piyesa ay awtomatikong papatawan na ng karagdagang patong sa halaga ng piyesang bibilhin.
Sa mga baguhang nagpapagawa ng sasakyan sa Banawe, karaniwang dinudumog ito ng mga ‘Buraot’ at lahat ay naghahanap ng sira o masisira pa lamang sa sasakyan at nag-aalok sila ng solusyon na sa una ay aakalaing mura, ngunit may halong panloloko pala.
Tulad na lamang ng mga plastic clip sa ilalim ng sasakyan na aalukin nila ng P50 hanggang P75 at kapag pumayag ang customer ay sisimulan na nilang lagyan, maayos naman at matutuwa ang customer, ngunit kapag magbabayad na, umaabot ng P1,000 ang singilan dahil hindi naman sinabi na lahat pala ng clip ay papalitan.
Hindi rin dapat malingat kung magtutungo ng Banawe dahil marami ang nangunguha ng side mirror, lalo na sa mga mamahaling sasakyan—ang resulta magpapahanap ang pobreng nanakawan ng side mirror dahil mahal ang original, kunwari ay maghahanap ang mga ‘Buraot’ pero ang ikakabit na side mirror ay ang ninakaw ding side mirror.
Oo nga at may surplus na piyesa mula sa ibang bansa, pero hindi natin maitatanggi na naglipana rin ang ma chop-chop na mahirap namang patunayang carnap kung chop-chop na kaya dapat magdoble-ingat kung bibili o magpapagawa tayo ng sasakyan sa Banawe.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.