ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | May 27, 2023
Kahit saan tayo tumingin, naglipana na ang motorsiklo sa mga lansangan, pribado, motorcycle taxi, delivery services at marami pang iba na lahat ay naghahabol ng oras para gampanan ang kanilang pang-araw-araw na trabaho.
Madalas ay kinaiinisan na ng mga motorista ang ating mga ‘kagulong’ dahil wala nang pinipiling linya sa kalsada ang mga ito, basta may pagkakataon ay lulusot at lulusot, madalas ay nagka-counter flow pa sa panahon ng heavy traffic.
Pinupulaan dahil palagi umanong nagmamadali, kaya singit nang singit at hindi alintana kung kaliwa o kanan na madalas ay nagreresulta naman sa aksidente sa pagitan ng kapwa motorsiklo o laban sa four wheeler vehicle.
Palaging nakikita ang mga negatibong aspeto ng ating mga ‘kagulong’ kumpara sa mabuting dulot nito sa bansa, ngunit kung iisipin, hindi tayo makakasabay sa bilis ng ikot ng mundo kasabay ng makabagong teknolohiya kung wala ang motorsiklo.
Sila ang kaakibat natin sa paglago ng ekonomiya dahil nakakasabay sila sa mabilis na galawan ng lahat at marami ang dating nagmamaneho ng kotse na ngayon ay bumili na rin ng motorsiklo dahil bukod sa matipid sa gasolina ay mabilis pa.
Pero lingid sa kaalaman ng marami, sa lahat ng trabaho ay ang pagsakay ng motorsiklo ang isa sa pinakamahirap at itinuturing itong mas mahirap pa kumpara sa mga boksingero na nakataya rin ang buhay sa kanilang hanapbuhay.
Mas marami kasi ang binabawian ng buhay sa pagmamaneho ng motorsiklo kumpara sa mga lumalaban sa boksing, dahil sa boksing ay araw-araw naghahanda ang boksingero bago lumaban samantalang ang ating mga ‘kagulong’ ay sabak lang nang sabak.
Ngunit sana ay huwag masanay ang ating mga ‘kagulong’ na basta na lamang nagmamaneho ng wala sa tamang kondisyon, dahil bukod sa motorsiklo na dapat ay nasa kondisyon, higit na dapat nasa kondisyon ang mismong driver bago magmaneho.
Marami kasi sa ating mga motorcycle driver o nasa delivery services ang pagkatapos ng trabaho ay nagkakayayaang uminom, na hindi naman masama dahil kailangan din naman ang relaxation sa pang-araw-araw na pagod.
Pero ang hindi tama ay ‘yung lasing na lasing na at magmamaneho pa pauwi. Kaya dapat kung iinom ng alak, tiyaking hindi na magmamaneho at karamihan pa ay magdamag uminom tapos kinabukasan ay hindi inaalintana ang hangover at sasabak pa rin sa maghapong pagmamaneho.
Mataas ang bilang ng aksidente dahil sa mga hindi tamang paghahanda ng ating mga ‘kagulong’ bago sumabak sa hanapbuhay, kaya palaging tandaan na bukod sa motorsiklo, dapat nasa kondisyon din ang pangangatawan.
Bukod kasi sa environmental hazard at aksidente na kinakaharap ng mga delivery riders habang nagtatrabaho, lantad din sila na makabuo ng work-related health issues tulad ng Musculoskeletal Disorders (MSDs).
Ayon sa National Library of Medicine, ang MSDs ay binubuo ng iba’t ibang kondisyon na nakakaapekto sa buto, joints, muscles at mga connective tissues ng katawan na puwedeng magresulta sa pananakit at function loss.
Hindi ito dapat binabalewala dahil ang ibang kategorya ng MSDs ay back disorders, osteoarthritis, at iba pang klase ng arthropathies o joint diseases na marahil marami na sa ating mga ‘kagulong’ ang nakakaranas nito.
May mga pag-aaral hinggil sa development nitong work-related MSDs na 53% ng 91% ng mga motorcycle riders sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang dumaranas na ng MSDs.
Lumalabas na 92% ng 122 commercial rider na nagtatrabaho ng mahigit sa anim na oras kada araw ay napaulat na may MSDs at ang karaniwang nararanasan ay ang pananakit ng lower back, at ang edad ng ating mga ‘kagulong’ na meron nito ay edad 41 pababa.
Huwag natin masyadong abusuhin ang ating pangangatawan dahil kahit nasa kondisyon ang ating motorsiklo, nasa delikado pa ring sitwasyon kung mismong driver ang wala sa kondisyon.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.