ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | June 3, 2023
May kasabihan tayo na daig ng maagap ang masipag kaya sa unang araw ng panunungkulan ni Department of Transportation Assistant Secretary at Land Transportation Office (LTO) officer-in-charge (OIC) Hector Villacorta, agad nating kinalampag ang kanyang tanggapan hinggil sa kalagayan ng motorsiklo sa bansa.
Bilang representative at first nominee ng 1-Rider Partylist, marahil ay tayo ang kauna-unahang nagpadala ng sulat o kung hindi man ay isa sa mga nauna upang hilingin na maisama na rin ang mga lumang motorsiklo sa ipinapatupad ng Land Transportation Office (LTO) na tatlong taong bisa o validity ng lahat ng mga bagong motorsiklo sa bansa.
Sa maikling panahon kasi nang panunungkulan ni dating LTO Chief Jay Art Tugade ay nagpalabas ito ng anunsiyo na lahat ng magpaparehistro ng bagong motorsiklo ay may bisa ng 3 taon ang rehistro kahit pa ang mga makina ay mas mababa pa sa 200cc.
Nauna rito, may umiiral na panuntunan alinsunod sa Republic Act 4136 at Republic Act 11032, na ang mga motorsiklong may makina o engine displacement na 201cc pataas lamang ang mayroong 3 taong bisa ng initial registration sa LTO.
Ngunit makaraan ang mga pag-aaral ng LTO, nagdesisyon na silang gawin na ring 3 taon ang bisa ng rehistro kahit sa mga motorsiklong may makina na 200cc pababa alinsunod sa Memorandum Circular No. JMT-2023-2395.
Napakaganda ng naging hakbanging ito ni Tugade kaya lamang ay inabot na ito ng iba’t ibang kontrobersiya na hindi na niya kinaya kaya naobligang iwan na lamang ang kanyang puwesto na pinanghinayangan ng marami nating ‘kagulong’.
Nakapaloob din sa naturang memorandum na ang Motor Vehicle User's Charge (MVUC) na kokolektahin sa inisyal na registration ay ia-adjust upang sumapat sa planong registration validity period.
Kaya sinuportahan ng 1-Rider Partylist sa pangunguna ng inyong lingkod ang hakbanging ito ni Tugade dahil malaking tulong ito sa mga driver na nagpaparehistro ng bagong motorsiklo para magamit sa kanilang trabaho o paghahanapbuhay.
Base sa pinakahuling datos na inilabas ng LTO, tinatayang nasa 2 milyong motorsiklo ang nasa 200cc pababa na nakatakdang magparehistro ngayong taon at ang mga ito ang principal beneficiaries ng bagong polisiya.
At ngayon ay umaasa tayo na mas paiigtingin pa ng bagong upong OIC ng LTO na si Villacorta ang magagandang inumpisahan ni Tugade kaya labis tayong umaasa sa kapasidad nito na nagbunsod sa atin para hilinging isama na rin ang mga lumang motorsiklo sa 3 taong validity ng rehistro.
Malaking bagay kasi kung pati ang lumang motorsiklo ay maisasama na dahil malaking kabawasan ito sa mga bayarin at higit sa lahat ay mababawasan ang abalang ilalaan ng mga rider pagtungo sa tanggapan ng LTO—lalo pa at mahalaga sa kanila ang bawat araw para kumita.
Napakarami na rin sa ating mga ‘kagulong’ ang nagmamay-ari ng lumang motorsiklo kaya malaking bagay kung pati ang sektor na binubuo ng mga App Riders tulad ng Grab, Lalamove, JoyRide, Move It , Foodpanda at Toktok ay maisama na sa napakalaking hakbangin na ito.
Higit sa lahat ay income generating din ito sa panig ng LTO dahil marami na ang hindi nagpaparehistro dahil sa kakulangan ng budget, lalo na ‘yung mga ‘kagulong’ natin sa mga probinsya, pero kung papayagan sila ng LTO na maisama na sa 3-year validity ay maraming lumang motorsiklo ang mahihikayat na magparehistro.
Sa totoo lang, napakaraming motorsiklo ang expired na ang mga rehistro, lalo na ‘yung mga kababayan nating naninirahan sa bulubunduking bahagi ng bansa na wala namang ibang gamit na transportasyon kundi ang motorsiklo.
Alam ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) at ng LTO ang sitwasyon na ‘yan ngunit mas umiiral sa kanila ang awa sa kalagayan ng ating mga kababayang namamahalan sa registration kaya hindi na nila hinuhuli.
Kaya magandang isama na sa 3-year validity maging ang mga lumang motorsiklo.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.