ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | June 20, 2023
Noong 2019 Congress ay pinayagan ang Department of Transportation (DOTr) na magsagawa ng motorcycle taxi pilot study upang matiyak kung ang motorcycle taxi ay magiging kapaki-pakinabang at ligtas sakaling gagawin itong legal.
Ngunit hanggang sa kasalukuyan ay nananatili na walang tiyak na patutunguhan ang isinasagawang pag-aaral kung dapat na bang gawing legal ang motorcycle taxi o hindi na payagan, matapos ang apat na taong pilot study.
Bago umano gawing legal ay kailangang makita ang aktuwal na katotohanan kung paano ang operasyon ng mga motorcycle taxi ngunit kailangan din na ipatupad ang pinakamataas na safety standards upang makatiyak na ligtas itong alternatibong transportasyon.
Noong Mayo 2019, tanging ang serbisyo lamang ng Angkas ang pinayagan na mag-operate sa ilalim ng six-month pilot program upang masubukan kung ligtas ang serbisyong kanilang ibinibigay para sa mga pasahero.
Marami ang naghintay at umasa ngunit ang programang ito ay pinalawig nang ilang ulit sa loob ng apat na taon at maging ang mga panukalang batas upang maging ganap na itong legal ay nananatiling nakabinbin at wala man lamang kahit pahapyaw na balita.
Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ang Inter-Agency Technical Working Group on Motorcycle Taxi ay nagbigay ng pahayag na tumaas na umano ang demand mula sa mga pasahero ang humihiling na taasan na umano ang riding cap allocation sa motorcycle taxi.
Sa gitna ng isinasagawang pilot study, nasa 45,000 riders ang binigyan ng provisional authority na mag-operate bilang motorcycle taxi ngunit dahil sa iba’t ibang kadahilanan ay halos nasa 30% lamang umano ang sumasabak sa peak hours.
Mas lalong nag-init ang balita matapos na ang Philippine Competition Commission ay nagpalabas ng pahayag na suportado nila ang pagdadagdag ng rider cap kasabay ng paghiling na nais nilang payagan ang mas maraming kumpanya na lumahok at makipagsapalaran sa industriya.
Mas maraming player ay mas mabuti umano para sa pasahero at hayaan na lamang ang merkado ang magdikta kung saan hahantong ang serbisyo at dami ng motorsiklo na nais pumalaot sa paghahanapbuhay sa kalsada.
Ang hindi ko maintindihan kung bakit tila may ‘pressure’ na nakapaloob sa isinasagawang pilot study na ito para sa motorcycle taxi na hanggang ngayon ay hindi pa natatapos ngunit marami na ang kumikita rito.
Nagsisilbing anesthesia lamang ang pilot study na ito para sa ilang riders na nabigyan ng pabor ng sitwasyon para huwag mahuli at malayang makapaghanapbuhay ng legal kumpara sa napakaraming kolorum.
Kamakailan lamang ay naglabas ng anunsiyo ang LTFRB na wala umano silang inaaprubahang increase para madagdagan ang mga kalahok sa Motorcycle Taxi Pilot study.
Base sa datos ng MC Taxi TWG, noong Pebrero 14, 2020 ay pinal na ang listahan ng mga riders na pinapayagang mag-operate sa Metro Manila sa ilalim ng pilot study at sila ang Angkas na may 23,164 kalahok, JoyRide na may 15,000 at Move It na may 6,836.
Noong nakaraang linggo, iba na naman ang panawagan ng LTFRB, nais nilang ang mga habal-habal operators ay makilahok na rin sa pilot study para sa motorcycle taxi, partikular ang mga nasa lalawigan.
Ang Grab Philippines na nais palawakin ng 15,000 ang mga riders sa Metro Manila ay hindi makasingit sa isinasagawang pilot study at tila nasasangkot sa kung anu-anong kontrobersiya.
Hindi malayong may nagmamaneobra sa likod ng lahat ng ito upang lumawig pa ang pilot study, marahil ay sobra-sobra na ang apat na taon para magdesisyon dahil sa seguridad at kalagayan ng ating mga ‘kagulong’ ang nakapaloob dito.
Lalo ngayong sunud-sunod ang aksidente at higit na kaawa-awa sa huli ay ang mga pasahero na dapat nating bigyang prayoridad upang magkaroon sila ng sapat na proteksyon na naaantala dahil sa sobrang haba ng pilot study na ito.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.