ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | June 11, 2024
Inilunsad na kahapon ng Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon (MANIBELA) ang pinakamalaking protesta na puwede nilang isagawa na libu-libong jeepney driver ang lumahok na tatagal hanggang bukas.
Hindi naman nasayang ang ginawang tigil-pasada dahil sa pinag-aaralan na ngayon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ikonsidera ang isang taong extension na hindi na muna huhulihin ang mga hindi nagpa-consolidate tulad ng kanilang banta dahil sa panukala ng ilang mambabatas.
Tinatayang 25,000 jeepney driver ang sumali sa tatlong araw na protesta simula nitong Lunes, ayon MANIBELA.
Sinabi mismo ni MANIBELA president Mar Valbuena, ang National Capital Region (NCR) ang pinakakonsentrasyon ng protesta at tigil-pasada, at dito pa lamang umano ay hindi na bababa ng 25K ang lumahok.
Ipinagtapat ng transport group na dalawang lugar lang umano sa NCR ang hindi masyado naapektuhan ng tigil-pasada at ito ang Makati at Mandaluyong City.
Humingi naman ng pasensya ang grupo sa mga mananakay na naapektuhan ng inilunsad nilang transport strike.
Nabatid na talagang walang balak tumigil sa gagawing protesta ang mga transport group sa bansa dahil sa kabuhayan umano nila ang kanilang ipinaglalaban.
Samantala, may ilang nagsasabi na hindi gaanong nararamdaman ang epekto ng isinasagawang tigil-pasada ngunit hindi umano ito mahalaga dahil ang nais lang ng
MANIBELA ay maiparating sa pamahalaan ang kanilang mensahe.
Dahil sa muling extension na pinag-aaralang ipagkaloob para sa transport group, inaasahan namang hanggang sa susunod na taon ay hindi pa rin matatapos ang usapin hinggil sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Mahirap talaga iresolba ang problemang ito dahil maraming gustong tumulong sa transport group lalo pa at mag-eeleksyon, kaya pati mga pulitiko nakikisawsaw.
Sabagay, nakakaawa naman talaga ang kalagayan ng maraming driver na apektado ng PUVMP at hindi rin natin masisi ang LTFRB dahil kailangan nilang ipatupad ang programa sa modernisasyon.Kaya ang resulta, eto pa rin tayo patuloy na nabibingi sa katuwiran ng magkabilang panig na kahit ang tagal-tagal na ay hindi pa rin matapos-tapos.
Sa ngayon ay hindi natin matiyak kung saan hahantong ang usaping ito, pero sa tingin ko ay wala nang mangyayari — lalo na kung aabutin pa ito ng kampanya.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.