ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | July 11, 2023
Nakakuha ng kakampi ang Department of Transportation (DOTr) sa panig ng mga netizen na tuluyan nang ipatupad ang napipintong phaseout sa tradisyunal na jeepney makaraang masawi ang isang Grade 10 student sa Dasmariñas, Cavite.
Dati-rati ay kinakampihan ng publiko na huwag tuluyang ma-phaseout ang tradisyunal na jeepney dahil sa umano’y cultural relevance nito sa Pilipinas bukod pa sa kabuhayan ito ng napakaraming pamilya na sa pamamasada lamang umaasa.
Ngunit dahil sa pagkamatay ng isang estudyante ay nagluksa ang napakarami nitong kaklase, mga kaanak, partikular ang mga magulang ng estudyante na sa isang iglap ay nawala ang mga pangarap sa buhay sanhi ng wala sa oras na pagkasawi nito dahil sa isang tradisyunal na jeepney.
Kung tutuusin, maraming insidente na naman ang naganap na kinasasangkutan ng tradisyunal na jeepney ngunit kakaiba ang pinakahuling ito dahil nakunan ito ng CCTV at buong-buong pangyayari at napanood na social media.
Kitang-kita kung paanong ang isang tradisyunal na jeepney na galing sa ikatlong palapag ng Hypermarket na kargado ng buko ang pababang dumire-diretso at winasak ang barandilya sa center island ng Congressional Road, Dasmariñas, Cavite.
Nagtuluy-tuoy pa rin ang naturang jeepney at sinalpok ang noon ay nakatayo lamang na 16-anyos na estudyante na naging sanhi ng pagkamatay nito at ikinasugat ng isa pa.
Nasakote naman ang driver ng tradisyunal na jeepney at ngayon ay nakadetine sa Dasmariñas PNP detention cell at doon ay ipinagtapat ng driver na ilang ulit niyang inaapakan ang preno ngunit hindi na ito gumana kaya bumilis pa pababa ang takbo ng naturang jeepney.
Tila bombang sumabog sa social media ang pahayag na ito ng driver kasabay nang pagkalat ng video ng buong pangyayari na dumurog sa puso ng maraming mag-aaral at magulang sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kung tutuusin wala namang kasalanan ang iba pa nating mga driver na nagmamaneho ng tradisyunal na jeepney sa iba’t ibang lugar ngunit, tila nagsilbing mitsa ang kaganapang ito para mapansin na panahon na talagang dapat ipatupad ang phaseout ng mga lumang dyip.
Muling nabuhay ang mga negatibong komento hinggil sa tradisyunal na jeepney tulad ng walang hand break, walang seat belt at ngayon ay dumarami pa ang nakasubsob na disenyo ng jeepney na labis na tinututulan ng mga pasahero.
Nauuso rin ngayon ang mga pampasaherong jeepney na maliliit ang gulong sa harapan at medyo nakaangat ang likurang bahagi upang madaling magsiksikan papasok ang mga nakaupong pasahero na ayaw umusog kapag biglang inapakan ng driver ang preno.
Kasabay nito, muling naglabas ng anunsyo ang DOTr na nananatili umano sa kanilang prayoridad ang pagsulong ng modernisasyon sa hanay ng pampublikong sasakyan, partikular sa tradisyunal na jeepney.
Kamakailan ay nagsagawa ng transport forum, kung saan ipinakita ng DOTr ang iba’t ibang makabagong disenyo ng mga modern Public Utility Vehicle (PUV) kabilang na ang modern jeep, modified jeepney, at modern bus.
Kabilang sa mga makabagong disenyo ang iba’t ibang equipment at safety features ng mga modern PUV gaya ng GPS, CCTV, libreng Wi-Fi, side entrance, air-conditioning, at sapat na espasyo para sa mas maginhawang pagsakay ng mga pasahero.
Batid naman nating hanggang Disyembre 31 pa ang muling bakbakan sa pagpapatupad ng phaseout at marami pa ring may-ari ng tradisyunal na jeepney ang nagmamatigas na ayaw pa ring mawala ang tradisyunal na jeepney sa kabila ng mga dayalogo at kasunduan.
Kung ganoon, ngayon pa lamang ay dapat ayusin na ang mga tumatakbo pang tradisyunal na jeepney, gandahan, tiyaking malakas ang preno at huwag liitan ang gulong sa unahan para hindi magalit ang pasahero, at para maipakitang karapat-dapat pang manatili ang tradisyunal na jeepney.
Kasi kung ikukumpara talaga sa mga modernong iniaalok ng DOTr ang tradisyunal na jeepney ay higit na magaganda, maayos at posibleng hindi na sila mahirapan sa phaseout dahil kakampi nila ang pasahero.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.