ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | July 27, 2023
Ngayong araw ay ipinagdiriwang natin ang ika-109 anibersaryo ng Iglesia Ni Cristo at ang lahat ng kaanib nito sa buong mundo ay ginugunita ang ipinangaral ng Huling Sugo sa huling araw na si Ka Felix Y. Manalo simula nang ito ay maitala sa Pilipinas noong Hulyo 27, 1914.
Ang anibersaryong ito ng INC ay ginugunita rin bilang isang working holiday at halos lahat ng kaanib sa buong mundo ay ipinagdiriwang ang araw ng pagkakatatag ng INC na ngayon ay pinamamahalaan ni Kapatid na Eduardo V. Manalo.
Tahimik, walang publisidad ngunit libu-libong kababayan natin ang nadalhan nila ng tulong sa iba’t ibang bayan sa mga lalawigan sa bansa partikular ang mga nawalan ng kabuhayan sa bagyo, pagbaha at kahit noong kasagsagan ng pandemya.
Noong mga nagdaang anibersaryo ay nagsagawa sila ng ‘Aid To Humanity’ na inilunsad worldwide at napakaraming mahihirap na bansa ang kanilang natulungan sa kasagsagan ng pandemya at tuluy-tuloy pa rin hanggang sa kasalukuyan.
Sa ngayon ay wala umanong malaking selebrasyon na isasagawa dahil ang pondo na dapat dito ay ilalaan umano sa nakatakda pang mga lingap sa mamamayan sa mga darating na panahon.
Noong nagsisimula ang INC ay napakaraming pagsubok ang sinuong ni Ka Felix partikular ang maraming relihiyon na tumutuligsa sa kanyang pinangangaral ngunit dahil sa nakagabay palagi ang Panginoon ay hindi ito pinabayaan hanggang sa magtuluy-tuloy nang lumaganap ang INC.
Ang INC ay nagsimula sa pinaka-una nitong lokal sa kapisanan ng Punta, Sta. Ana, Manila na mula roon ay hindi na napigilan ang pagdami sa iba’t ibang bahagi ng Kamaynilaan na lumaganap pa sa mga karatig-bayan hanggang tumawid na sa Visayas at Mindanao.
Pumanaw si Ka Felix noong Abril 1963 ngunit matagumpay na nitong naitatag ang ecclesiastical districts sa mahigit kalahati ng mga probinsya sa buong bansa at naisaayos na ang kalagayang pananampalataya ng lahat ng kaanib.
Dahil dito, pinangunahan ni Ka Eraño G. Manalo ang INC noong 1968 na siyang tumayong Executive Minister, at matagumpay nitong naitatag ang unang dalawang kongregasyon sa labas ng Pilipinas — ito ang Honolulu, Hawaii at San Francisco, California sa Estados Unidos.
Mula noon hanggang bago matapos ang dekada ‘70, ay lalo pang lumaganap ang INC patungo sa kontinente ng North America hanggang sa ibang estado at teritoryo tulad ng New York at Guam noong 1969, at Canada noong 1971.
Bago matapos ang dekada ‘ 80 ay narating na ng INC ang Europe, Battersea, Australia, buong Asia hanggang sa mga bansa ng Scandinavian at mga karatig bansa hanggang sa halos buong mundo na, bago pa man sumakabilang-buhay si Ka Eraño noong Agosto 31, 2009.
Dito nagsimula ang pagkakatalaga kay Executive Minister, Ka Eduardo na siya namang nagpatuloy sa mga mabubuting gawain ng INC na mapalaganap ang salita ng Diyos at patuloy din ang pagdami ng mga kaanib hanggang sa kasalukuyan.
Napakalayo na nang narating ng INC at hindi na natin basta-basta maisasantabi ang kanilang tagumpay na umukit na ng labis sa ating kasaysayan lalo pa at ipinagmamalaki ito ng maraming Pilipino sa ibang bansa kahit hindi kaanib ng INC dahil sa Pilipinas ito nagmula.
Sa buong mundo ay napakarami na rin ng mga ibang lahi na kaanib na ng INC sa kasalukuyan at maging ang mga ministro sa ibang bansa ay nagmula na sa iba’t ibang lahi na patunay na patuloy pa rin ang paglaganap ng INC sa maraming bahagi ng mundo.
Napakaganda ng hangarin ng INC dahil nais nilang mailigtas ang kaluluwa ng maraming tao na masadlak sa dagat-dagatang apoy at tanging ang salita lamang ng Panginoon ang daan para sa kaligtasan ng buong sanlibutan.
Muli, kay Ka Eduardo at sa milyun-milyong kaanib ng INC, buong puso tayong bumabati at ang lahat ng Pilipino ng maligaya at matagumpay na ika-109 anibersaryo sa buong Iglesia Ni Cristo.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.