ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | August 17, 2023
Hindi pa nag-iinit ang puwet sa puwesto ng bagong hepe ng Land Transportation Office (LTO) ay umarangkada na agad ang ilang tiwaling empleyado na panandaliang nag-lie low at ngayon ay rumaraket na sa halagang P200 kapalit ng mabilis na hassle-free release ng plate number ng sasakyan.
Ibig sabihin gumalaw na ang matagal nang sindikato sa loob ng LTO para bumagal at humirap ang releasing ng plate number upang magkaroon ng pagkakataon ang mga ‘fixer’ at ilang empleyado umano na magkaroon na naman ng karagdagang kita.
Bago pa naupo si LTO chief Vigor Mendoza II ay kabi-kabila pa rin ang anomalya na labis na nagpapangit sa imahe ng naturang ahensya sa napakahabang panahon na ngayon ay prayoridad na ayusin ng bagong pamahalaan.
Tila epektibo ang panungkulan nitong si Mendoza dahil sa maagang panahon na umaarangkada na ang mga tiwaling empleyado sa kanyang nasasakupan ay natunugan agad niya na may mga nagsasamantala.
Dahil dito, agad na nanawagan si Mendoza sa publiko na isumbong sa kanilang tanggapan ang sinumang manghihingi ng pera kapalit ng mabilis na pagkuha ng plate number ng sasakyan at nangako itong mapaparusahan ang sinuman kahit matagal nang sindikato sa LTO.
Nabatid na may mga tiwaling tumatanggap umano ng P200 na ‘padulas’ upang hindi na pumila ang isang car owner sa LTO district offices at iba pang distribution sites, at tila nasasamantala ang paspasang pamamahagi ng license plates.
Pinaplano na nga ng LTO na mamahagi na rin ng license plate sa mga mall, at noong nakaraang Biyernes lamang ay nagsagawa rin ng partial distribution ng replacement plates sa LTO office ng Sorsogon at Naga City.
Kaugnay nito, naglunsad naman ang Department of Transportation (DOTr) ng website upang tulungan ang mga car owner na malaman kung maaari nang makuha ang plate numbers ng kani-kanilang sasakyan ngunit sa kasamaang-palad ay ilang ulit na natin itong sinubukan ngunit hindi gumagana at hindi pa matiyak kung sinabotahe ito ng mga ‘fixer’.
Matatandaan na kamakailan lamang ay ibinulgar ng Commission on Audit (COA) na 1.79 milyong pares ng license plate na nagkakahalaga ng mahigit sa P800 milyon ang hindi pa naki-claim sa LTO na ngayon ay pilit na nireresolba ng naturag ahensya.
Sa isinagawang pagbisita ni Mendoza sa LTO-Cebu ay nadatnan nito ang 670,000 piraso ng plaka ang nakatambak at hindi pa nairi-release sa mga may-ari, kaya target ni Mendoza na maipamahagi na ang lahat ng ito hanggang Septyembre ng taong kasalukuyan.
Nagbigay din ng babala si Mendoza na mananagot ang mga tauhan ng LTO sa lahat ng tanggapan sa iba’t ibang bahagi ng bansa at sa mga dealer na nagbebenta ng kotse at motorsiklo na kung hindi makukuha ang mga plate number at matetengga sa kani-kanilang tanggapan.
Sa kasalukuyan, ang Trojan-Tonnjes Joint Venture (TTJV) ang bagong supplier ng plaka ng LTO na nangako na kumpletong idi-deliver ang 16,040,630 plaka sa LTO sa volume na 60,000 piraso kada linggo. Sa tingin ninyo kelan pa ito makukumpleto?
Gusto ko lang ipaalam sa publiko na kulang-kulang 8,000 bagong kotse at halos 45,000 bagong motorsiklo ang nairerehistro kada linggo — hindi ko ma-imagine kung gaano kalaki ang maitutulong ng TTVJ para makumpleto na ang problemang 16,040,630 plaka ng LTO.
Dahil sa mga bagong sasakyan pa lamang ay kulang na kulang na ang 60,000 piraso kada linggo na kayang i-deliver ng TTVJ, sabagay karagdagang tulong lang naman itong TTVJ dahil may sariling gawaan naman ng plaka ang LTO.
Dati malaking problema ang backlog kaya naghabol ang LTO sa sitwasyon, ngayon naman nadiskubre ng COA na santambak naman pala ang plaka at hindi lang maayos ang distribusyon, kaso problema pa rin dahil sa halagang P200 ay pinagkakakitaan naman ng mga ‘fixer’. Sana may makasuhan para bawas problema!
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.