ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | August 24, 2023
Mabigat ang kinakaharap na problema ng pamahalaan dahil sa kabi-kabilang hinaing ng iba’t ibang sektor na ang lahat ng pinag-uugatan ay walang humpay na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Kung sa kasalukuyang pagtataas ng produktong petrolyo ang pag-uusapan ay maayos itong naipaliwanag ng mga kinauukulan at malabo man o malinaw ang paliwanag ay wala namang magagawa ang ating mga Kababayan kung hindi ang sumunod.
Ngunit ngayon heto ang Department of Energy (DOE) at tahasang inaanunsiyo na magpapatuloy umano ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo hanggang matapos ang 2023 at inaasahang sisirit pa ito sa pagpasok ng ‘ber’ months.
Mismong si Director Rino Abad ng Oil Industry Management Bureau ng DOE ang nagpaliwanag na ang tanging tsansa na lamang umano para magbago ang takbo ng presyo ng langis ay kung bumaba ang demand nito sa merkado.
Ngunit kung pagbabasehan natin ang kasaysayan ay tila napakalaking imposible na bumaba ang demands sa panahon ng ‘ber’ months dahil harvest time ito sa lahat ng negosyo at kalakalan na lahat ay kailangan ng produktong petrolyo para umusad.
May ulat pa na sa kasalukuyan umano ay hindi balanse ang produksyon ng langis at global demand dahil sa pagbabawas ng produksyon ng Saudi Arabia at Russia.
Ang medyo masaklap sa ngayon ay walang grupo ng mga bansa ang pursigidong nag-oorganisa para tuluyang maibaba ang demand ng langis habang ang OPEC Plus naman umano ay nagbababa ng produksyon ng langis o kanilang supply.
Ngayong buwan ng Agosto ay nasa 2.8 milyong bariles ng langis ang dapat punuan na hindi kinakaya sa araw-araw na produksyon, pero kung inyong mapapansin — mula Hunyo hanggang Agosto ay pitong ulit nang nagtaas ng presyo ng gasoline, diesel at kerosene.
Ayon naman sa DOE, para bumaba umano ang presyo ng langis sa bansa ay makabubuting hindi na muna tayo mag-angkat dahil ang pinakamabuting dapat gawin ay bawasan ang pagiging import dependent ng bansa sa mga darating na taon.
Ngayon heto ang epekto, kabi-kabila ang pagtataas ng mga bilihin, walang hindi nagrereklamo dahil sa ramdam nang pagtaas ng lahat mula bigas, karne, isda at iba pa na sana ay hindi naman magtuluy-tuloy ngunit dahil ‘ber’ months na ay marami ang nawawalan ng pag-asa.
Noong nakaraang Agosto 2, nagtaas ng pasahe ang Light Rail Transit 1 at LRT 2, at ngayon ay nais na rin ng MRT na magtaas, maging ang taxi ay humihirit na rin ng dagdag-singil sa flag down at napakarami pa ng nais magtaas.
Ngayon, ang pinakahuli ay pormal nang naghain ng petisyon ang ilang transport group sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang hilingin ang P5 dagdag-pasahe sa mga pampasaherong jeep.
Binubuo ito ng Pasang Masda, Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO) at Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP) na nanguna sa pagsusumite at nakapaloob din sa petisyon ang dagdag na piso para sa susunod na kilometrong biyahe ng jeep.
Subalit, mas nais ng nabanggit na transport group na agarang aprubahan ng ahensya ang P1 provisional increase habang hinihintay na maaprubahan ang kanilang hirit na P5 na dagdag.
Tulad ng dapat asahan, ang sunud-sunod na pagtaas din ng presyo ng produktong petrolyo ang ginamit nilang batayan para maihain ang kanilang kahilingan dahil nahihirapan na umano silang kumita.
Nauna rito ay umapela na sa LTFRB ng dagdag P2 pasahe para sa pampasaherong jeepney ang mga transport group na Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas, (LTOP), Pagkakaisa ng mga Samahan mga Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON), Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) at Stop & Go Transport Coalition Incorporated.
Hindi natin alam kung saan hahantong ang mga usaping ito ngunit kailangang balanse ang magiging desisyon para sa mga usaping ito, dahil dapat ding tingnan ang kapakanan ng mga Kababayan nating mananakay na isa rin sa tinatamaan sa kabi-kabilang pagtaas. Subaybayan natin!
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.