ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | June 18, 2024
Mananagot sa Land Transportation Office (LTO) ang mga ahente o mismong dealer ng four wheeled vehicle o motorsiklo na hindi agad mailalabas ang plate number at Official Receipt/Certificate of Registration (OR/CR) sa tamang oras.
Ayon kay LTO chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II nagsisimula na umano silang ayusin ang proseso para ipatupad ang tamang kaparusahan laban sa mga ahenteng nagbebenta ng mga kotse at motorsiklo na hindi sinusunod ang panuntunan ng ahensya hinggil sa pagbibigay ng papeles ng mga ibinebentang sasakyan.
Ibig sabihin hindi na maaaring ikatuwiran kapag nasita na hindi pa naire-release ang papeles ng bagong sasakyan dahil hawak na umano ng pamunuan ng LTO ang listahan ng mga ahente at mismong car dealer na bibigyan ng karampatang parusa tulad ng suspensyon ng accreditation.
Iginiit ng LTO na ang kanilang hakbanging ito ay alinsunod sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. (PBBM) na tugunan ang napakatagal ng maling sistema na panahon na para maitama.
Base sa memorandum na tinanggap ng Department of Transportation (DOTr) mula sa Palasyo -- lahat ng dealer ng sasakyan ay kailangang sumunod sa prescribed processing timelines ng LTO para sa release ng motor vehicles plates.
Nakapaloob din sa memorandum ang karampatang parusa sa mga lalabag tulad nga ng pagkansela ng dealership sakaling hindi sila makakasunod sa inilabas na kautusan.
Binigyang-diin din sa memorandum na lahat ng ahente o dealer ng sasakyan ay kailangang maibigay sa loob ng limang araw ang lahat ng kailangang papeles hanggang kaliit-liitang dokumento sa sinumang nakabili ng sasakyan, matapos maisumite ang mga documentary requirements.
Sa ngayon ay may mga tanggapan na umanong tinututukan ang LTO na hindi tumutugon sa kautusang ito at binibigyan sila ng ultimatum para tumugon.
Nasa 28 na umano ang kumpirmadong ahente ang nasa listahan ng ahensya na nakatakda nang patawan ng multang P20,000 hanggang P500,000 at isang buwan hanggang anim na buwang suspensyon ng kanilang accreditation.
Kaugnay nito, may panawagan din ang LTO sa mga bagong may-ari ng sasakyan na i-report kaagad sa kanilang tanggapan ang mga ahente at dealer ng sasakyan na inaantala ang pagre-release ng binili nilang sasakyan sa social media ng account ng LTO o sa AksyON THE SPOT o tumawag sa 0929 292 0865. Maganda ang hakbanging ito ng LTO dahil napakatagal ng problema ‘yan ng mga nakabili ng mga bagong sasakyan na karaniwan ay pinababayaan na ang isang customer matapos mabentahan ng sasakyan.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.