ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | September 28, 2023
Napakarami pa ring sasakyan ang walang plaka at hanggang ngayon ay naghihintay din sa release ng kanilang plate number mula sa Land Transportation Office (LTO) sa kabila ng matagal na nila itong bayad — ang masaklap dumarami ang bagong sasakyan at hindi na makahabol ang LTO sa sitwasyon.
Noon pang 2013 ay problema na ang backlog. Ang Department of Transportation (DOTr) at ang LTO ay iginawad ang manufacturing contract sa joint venture ng Knieriem BV Goes at Power Plates Development Concept Inc. bilang bahagi ng limang taong Motor Vehicle License Plate Standardization Program.
Kasunod nito, nag-isyu ang Commission on Audit (COA) ng Notice of Disallowance na sumasakop sa advance payment ng LTO patungo sa suppliers noong Hulyo 2014 na nagkakahalaga ng P477 milyon, ngunit ayon sa DOTr ang inaasahang 15 milyong plaka ay nasa 4 milyon lamang ang nai-release na nagresulta sa backlog na 11 milyon.
Taong 2016 ay nag-isyu ang Korte Suprema ng temporary restraining order (TRO) upang pigilan ang LTO at ang Department of Transportation and Communication (DOTC) sa pagre-release at pamamahagi ng 700,000 plaka mula sa Bureau of Customs (BOC) makaraang ang plates’ supplier-importer ay mabigong bayaran ang kanilang obligasyon sa BOC.
Inalis ng Korte Suprema ang TRO noong 2018 at maging ang COA ay inalis na rin ang disallowance at pinayagan na ang pamamahagi ng 300,000 plaka para sa kotse at 400,000 plaka naman para sa motorsiklo na nagkakahalaga ng P477,901,329.
Nang taon ding iyon ay pinasinayaan ng LTO ang motor vehicle plate production plant na kayang gumawa ng hanggang 22,400 piraso ng plate number kada araw ngunit hindi nito kinaya ang backlog.
Dahil dito, taong 2021 ay humingi na ng saklolo ang LTO sa iba pang supplier na tulungan sila sa manufacturing upang mapunuan ang 18 milyong backlogs kaya Setyembre 2022 ay bumaba ang backlog sa 11.5 milyon na lamang.
Sa pagpasok ng taong 2023, inanunsyo ng LTO ang layon nilang makumpleto hanggang 90% backlog sa plaka sa pagtatapos ng taon sa pamamagitan umano ng pagpapaigting sa operasyon ng kanilang sariling planta.
Ngayon heto at may bagong pahayag ang LTO, ipinoproseso na umano ng DOTr sa pangunguna ni Secretary Jaime Bautista ang inorder na mga plate number na magpupuno sa kasalukuyang 13.2 milyong backlog para sa motorsiklo at nasa 179,000 para sa motor vehicles.
Tiniyak ni LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II na inorder na nila ang 15 milyong license plates at nagsisimula na umano ang delivery kada buwan, na inaasahang tutugon na sa napakatagal nang problema sa backlog.
Ayon sa pamunuan ng LTO, umaabot umano sa 250,000 pares ng plaka ang kada buwan ay naide-deliver para sa motor vehicle samantalang umaabot naman sa isang milyong plaka para sa motorsiklo na lubhang napakabilis kumpara dati.
Kung paniniwalaan natin ang pahayag ng LTO, maging ang kanilang production capacity ay tumaas umano sa 32,000 kada araw o aabot ng halos 700,000 kada buwan na kung magtutuluy-tuloy ay posibleng mawala na ang backlog na ipinangako nila sa susunod na taon.
Nagkaisa naman sa pahayag sina DOTr Secretary Bautista at pamunuan ng LTO nang humarap sila noong nakaraang Martes sa Senado para sa pagpapatuloy ng budget hearing na nabitin kamakailan.
Ayon sa kanilang pahayag sa harap nina Sen. Grace Poe at Sen. JV Ejercito na silang nangunguna sa naturang pagdinig, na sa loob ng dalawang taon ay makukumpleto na umano ng LTO ang backlog na lumalabas na aabutin pa ng taong 2025.
Lahat umano ng bagong sasakyan ay may available plate number na at tiyak na mabibigyan ng bagong plaka at ‘yung mga dati namang hindi agad nabigyan ng plaka ay isa-isang tutugunan hanggang sa tuluyan nang matapos ang backlog.
Marami kasing sasakyan ang naipagbili na pero wala pa ring plaka, at kahit umaatras nang umaatras ang pangako nila na matatapos ang backlog — ang mahalaga ay umuusad na at sana lang bago mabulok ‘yung mga sasakyang walang plaka ay maranasan naman na magkaroon ng plate number.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.