ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | October 19, 2023
Nitong nakaraang Lunes ay hinimok ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. (P-BBM) ang pribadong sektor na mag-invest sa electric vehicle (e-vehicle) manufacturing facilities sa Pilipinas.
Sinabi ni Marcos, na panahon na umano upang makilahok sa pagsisikap ng pamahalaan para maging bahagi ang Pilipinas ng ‘global chain of electric vehicle’ sa pamamagitan ng pag-i-invest sa mga manufacturing sa bansa.
Nais ni P-BBM na makamit ng pamahalaan ang mithiin na maitaas ang share ng electric vehicle na maging 10 o 50 porsyento sa taong 2040 dahil ang paglipat umano sa electric vehicle ay bahagi ng panuntunang mapanindigan ang ating pananagutan sa ilalim ng Paris agreement.
Sa ilalim ng treaty, nakipagkasundo tayo na ang greenhouse gas emissions ay mababawasan at maiiwasan ng 75 porsyento mula 2020 hanggang 2030 at kabilang sa binigyang diin ang sektor ng transportasyon sa bansa na siyang may pinakamalaking source ng energy-related greenhouse gas.
Kumbaga, napakalaki ng pananagutan natin sa Paris agreement kaya ganu’n na lamang ang pagpupursige ng Pangulo na maisulong ang electric vehicle sa buong bansa.
Kung pagbabasehan natin ang tinatahak na direksyon ni P-BBM ay tila wala nang puwang kahit katiting ang kinakaharap na problema ng tradisyunal na jeepney sa bansa kung saan kabi-kabila na ang dinaranas nating protesta para tutulan lamang ang papalapit na phaseout sa darating na Disyembre 31.
Kung lilingunin natin ang kasaysayan, ang jeepney ay orihinal na ginawang US military jeep na iniwan sa ating bansa matapos ang World War II, na pinahaba at pinaganda ng ating mga ninuno upang magamit na pampasaherong sasakyan na mas mura ang pamasahe kumpara sa taxi, train o bus.
Taong 2017 ay inanunsyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang jeepney phaseout sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) dahil hindi na umano ito ligtas at nakakasira sa kalikasan.
Nais nilang palitan ang mga jeepney na 15 taon pataas ang edad ng bago na aayon sa Philippine National Standards o ng electric power o Euro 4-compliant diesel engine.
At ang phaseout na ito ay nag-atas sa mga jeepney operators na lumahok sa mga cooperatives o corporations bago matapos ang taong 2023 upang matulungan umano sila na makapag-loan para makabili ng ‘modern jeepney’.
Dito nagkakaroon ng matinding usapin sa pagitan ng pamahalaan, mga driver at operator na hindi lahat ay kumbinsido sa nais na mangyari ng gobyerno dahil mahirap paghiwalayin ang kabuhayan at modernisasyon para sa sektor ng transportasyon.
Masyado umanong mahal ang tinatawag nilang ‘modern jeepney’ na minibus ang hitsura at wala nang alaala ng tradisyunal na jeepney na isa pa sa ikinalulungkot ng ilan nating kababayan na masyadong sentimental sa nakaraang kasaysayan.
Ngunit, alam n’yo ba na noong 2019 ay nabuo ang magkahalong luma at bagong disensyo ng jeepney na mayroong modernong makina at iba pang features, at inaprubahan ito mismo ni LTFRB Chair Teofilo Guadiz III, ang prototype para sa modern jeepney na iprinisinta ng Association of Committed Transport Organizations Nationwide Corp.
Ang locally manufactured prototype ay gayang-gaya ang iconic look ng tradisyunal na jeepney ngunit itinaas ang mga features tulad ng bubong na maaari nang tumayo ang pasahero, may handrails, built-in security cameras, at environment-friendly Euro 5 engine na.
May dalawa itong pinto — ang main sa kanang bahagi at ang exit door sa likod na madaling akyatin kahit ng mga persons with disabilities (PWDs) at higit sa lahat ay nasa P1.3 hanggang P1.5 milyon lamang ang halaga, na kalahating mas mura sa kasalukuyang minibuses o electric jeepney na pawang mga imported.
Ang katotohanan, ininspeksyon ito noon ni Guadiz at nakita nitong hindi nawala ang disenyo ng tradisyunal na jeepney ngunit mas gumanda at naabot nito ang requirements ng Bureau of Philippine Standards at wala na umanong puwang ang phaseout kung masusunod ito ng lahat ng operator na umasa sa pangakong ito.
Pero ano ang nangyari, bakit nangibabaw ang mga imported na minibuses at ngayon ay naiwan sa kangkungan ang ating mga driver at nagmumukha pang kontrabida at masasamang tao dahil ipinaglalaban nila ang kanilang hanapbuhay.
Hindi naman masama ang modernisasyon, ngunit sana lang ay walang maiwan kahit isang tsuper sa lansangan na naghihikahos dahil nawalan ng hanapbuhay.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.