ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | October 26, 2023
Posibleng tumagal pa ang paggamit ng paper-base official receipt (OR) bilang temporary driver’s license matapos maglabas ang Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) ng Writ of Preliminary Injunction hinggil sa pag-imprenta ng lisensya ng mga tsuper sa bansa.
Inilabas ng QCRTC Branch 215 ang order nitong Oktubre 13 na naglalayong itigil pansamantala ng pamahalaan ang pagbili ng plastic card na ginagamit sa pag-imprenta ng driver’s license.
Nabulabog ang mapayapang takbo ng Land Transportation Office (LTO) nang magsampa ng kaso ang Allcards Inc. laban sa kanilang ahensya, sa Department of Transportation (DOTr) at sa nanalong bidder na Banner Plasticard Inc.
Kaugnay ito sa 5.2 milyong piraso ng plastic cards, na ginawa upang tugunan ang kakulangan ng supply ng plastic cards para sa driver’s license na nag-umpisa nitong Abril ng taong kasalukuyan.
Base sa inilabas na writ of preliminary injunction, nakapaloob na pinaboran ng korte ang Allcards sa argumento nitong hindi nabigyan ang kanilang kumpanya ng due process nang idiskuwalipika ito sa bidding process.
Nabatid na nitong nagdaang Agosto ay naglabas ang parehong korte ng 20-day temporary restraining order (TRO) sa paggawad sa kontrata, na nagresulta sa suspensyon ng delivery ng plastic cards.
Ang masaklap ay nag-lapse ang TRO nitong Setyembre pero mahigit sa isang milyong piraso ng plastic cards ang nai-deliver na kaya ang LTO ay agad na nagpalabas ng petsa kung kailan puwedeng makuha ang plastic-printed driver’s license.
Natuwa ang marami nating kababayan hinggil dito partikular ang mga dating tsuper at mga bagong driver na excited na magkaroon ng driver’s license dahil sa wakas ay matatapos na ang matagal nang problema sa LTO.
Kaso, biglang naglabas nga ng writ of preliminary injunction kaya nahaharap na naman sa malaking problema ang LTO dahil tiyak na maaantala na maisaayos ang mahigit sa 2.4 milyong backlog sa plastic-printed driver’s license.
Ang nakakalungkot pa, hindi na matiyak sa ngayon kung gaano tatagal ang sitwasyong ito dahil epektibo ang utos na nagpapatigil sa procurement process habang pending ang kaso, o hangga’t hindi naglalabas ng panibagong utos ang korte.
Sayang dahil kitang-kita ang pagsisikap ni LTO chief Vigor Mendoza II na maisaayos ang problema sa lisensya ngunit matapos makumpirma ang naturang court order ay aminado itong wala siyang magagawa kundi baguhin ang target time base sa desisyon ng korte.
Kaya ang ending ay posibleng tumagal pa ang paggamit ng temporary driver’s license dahil sa ngayon ay mayroon na lamang 1.8 milyong natitirang plastic cards at mapalad ang aabutin ng mga ito.
Lumalabas pa na 600,000 sa mga natitirang plastic cards ay nakatakdang ipamahagi ngayong buwan ng Oktubre at ang matitira pang 1.3 milyon ay paghahatian para sa buwan ng Nobyembre at Disyembre na ayon sa pamunuan ng LTO ay sapat lang para matugunan ‘yung mga lisensyang nag-expire noong nakaraang Mayo at Hunyo.
Maganda kasi ang sistema ng LTO na nag-iisyu ng 30,000 lisensya kada araw na binibigyang prayoridad pa ang mga overseas Filipino workers (OFWs) at iba pa nating kababayan na kailangang-kailangan ang plastic cards sa kanilang paghahanapbuhay o inaaplayang trabaho.
Kung tuluyan nang maipatutupad ang writ of preliminary injunction, bawat mag-aaplay para sa renewal ay official receipt (OR) pa rin ang ibibigay na may naka-stamp lamang umanong automatic extended until 2024.
Sabagay, hindi pa naman huli ang lahat dahil hindi pa naman epektibo ang writ of injunction dahil ayon kay LTO chief Mendoza ay aapela umano ang kanilang tanggapan at sana ay maging matagumpay ang isasagawang ito. Good luck!
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.