ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | November 9, 2023
Matapos umani ng iba’t ibang reaksyon ang pagkakabalik sa puwesto ni Teofilo Guadiz bilang chief ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ay agad silang naglabas ng pahayag na hindi pa umano ito tuluyang lusot sa kaso.
Maagap ang naging pahayag na sa kabila umano ng order ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. (P-BBM) na ibalik na sa puwesto si Guadiz makaraang masuspinde dahil sa alegasyon ng korupsiyon ay hindi pa ito tuluyang ligtas sa kinakaharap na iskandalo.
Lumalabas na mistulang anesthesia na itinurok sa taumbayan ang pahayag na hindi pa lusot si Guadiz upang hindi na muna magbigay ng mga negatibong reaksyon kung bakit napakabilis namang naibalik sa puwesto si Guadiz.
Ayon sa pahayag ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista, ang pagkakabalik ni Guadiz bilang chairperson ng LTFRB ay base sa utos ng Malacañang na kailangang sundin.
Sinabi pa ni Secretary Bautista na hanggang sa kasalukuyan ay tuloy pa rin umano ang isinasagawang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) kay Guadiz hinggil sa korupsiyong ipinupukol laban sa kanya na naging dahilan din ng kanyang suspensyon.
Kung anu’t ano man ang kahihinatnan ng isinasagawang imbestigasyon ng NBI sa mga katiwaliang ibinulgar laban kay Guadiz ay sa resulta lamang umano nito sila magbabase kung totoo ang mga ipinupukol laban kay Guadiz o hindi.
Matatandaan na noong Oktubre 9, sa isang press conference na inorganisa ng transport group na MANIBELA ay isiniwalat ni Jeffrey Tumbado ang talamak na korupsiyon sa LTFRB kung saan nakikinabang umano sina Guadiz, Secretary Bautista at ang Malacañang.
Si Tumbado na dating executive assistant ni Guadiz ay biglang binawi ang kanyang mga ibinulgar makalipas ang dalawang araw at humingi pa ng tawad kina Guadiz at Bautista.
Hindi ba’t isinulat ko na rin na nagkaroon ng madamdaming pag-uusap sina Tumbado at Guadiz – na si Tumbado din ang nagtapat sa media na nauwi pa umano sa iyakan ang pag-uusap nila ni Guadiz kaya pinangatawanan na nito ang pagbaliktad sa kanyang mga ibinulgar.
Sa madaling salita ay mabilis pa sa alas-kuwatro na kumilos si P-BBM at ilan sa mga nakapaligid sa Pangulo dahil nang makarating sa kanila ang pagbubulgar ni Tumbado ay agad-agad nilang sinuspinde si Guadiz.
Ibig sabihin, kahit walang imbestigasyon ay nagbaba ng kautusan si P-BBM na suspendihin ng 90 araw si Guadiz bilang LTFRB chief dahil ‘open secret’ naman ang mga ibinulgar ni Tumbado at parehong-pareho naman ito sa mga isinusumbong ng ilang nagrereklamong transport group.
Ngayong bumaliktad na si Tumbado, ay napakabilis din ng pagbabago ng desisyon ni P-BBM at ng mga nakapaligid sa kanya at kahit hindi pa tapos ang imbestigasyon ng NBI ay binawi na agad ang suspensyon laban kay Guadiz at ibinalik na bilang chief ng LTFRB.
Kinumpirma ng tanggapan ni Executive Secretary Lucas Bersamin na tinanggal na ang suspension kay Guadiz matapos bawiin ni Tumbado ang kanyang mga ibinulgar at lumalabas na ‘nakuryente’ lamang si P-BBM at ang mga alipores nito sa Malacañang.
Paano ngayon kung sakaling hindi umayon kay Guadiz ang lumabas sa resulta ng imbestigasyon ng NBI? Sususpendihin ba uli agad-agad si Guadiz ni P-BBM o wala na tayong aasahan dahil naibalik na sa puwesto?
Dahil kasi sa ‘bumaliktad’ lamang si Tumbado sa kanyang mga ibinulgar kaya nagbago ang desisyon ni P-BBM, kaya nga sinuspinde si Guadiz dahil may alingasngas at ang alingasngas na ito ay kasalukuyang iniimbestigahan ng NBI at wala pang resulta.
Paano na ang kalagayan ng mga natuwang transport group dahil sa suspensyon ni Guadiz na inakala nilang pinakinggan ang kanilang reklamo laban sa pamunuan ng LTFRB na hanggang ngayon ay hindi naman nila binibitawan at may hawak umano silang ebidensya.
Tutal ipinakulong ng House of Representatives si Tumbado dahil hindi na kapani-paniwala, mas mabuti siguro kung ipatawag ang mga naging biktima ng LTFRB upang makapagbigay ng pormal na testimonya at ebidensya — hindi ‘yung kunwari ay hindi pa lusot, pero palusot lang para makalusot!
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.