ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | June 29, 2024
Malungkot na bahagi ng pagiging isang delivery rider ang kawalan nila ng kakampi at napakadali nilang isinaryo dahil sa kabila ng husay nila sa kanilang trabaho ay parang lumalabas na kontrabida pa sila sa kalye.
Tulad na lang ng nangyari kamakailan sa isang rider ng motorcycle taxi na inakusahang nangholdap ng isang pasahero na nalathala at naipalabas sa halos lahat ng istasyon sa telebisyon ngunit kalaunan ay umamin ang pasahero na imbento lamang ang kanyang reklamo.
Hanggang ngayon kasi ay nakararanas ng pagkainis ang maraming motorista sa tuwing may makakagitgitang rider na hindi lang isa dahil minsan ay napakarami talaga.
Kaya nakikiusap tayo sa mga motorista na sana ay lawakan nang konti ang pang-unawa para sa ating mga rider dahil napakalaking tulong naman nila sa panahong ito.
Mabuti nga sa atin at may maayos tayong sistema sa trapiko — kumpara sa Vietnam na mas marami ang motorsiklo at may mga lugar pa na halo-halo sa daan ang four-wheel vehicle, motorsiklo at mga naglalakad sa kalsada. Ngunit, higit na mataas ang aksidente sa ‘Pinas dahil itinatrato nila sa Vietnam na parehas ang mga nakamotorsiklo.
Pang-unawa lang naman ang ating pakiusap para sa ating mga rider at hindi porke nakamotorsiklo ay mamaliitin na ng mga nakakotse.
Ipagpasalamat na lang natin dahil ang mga de-kotse ay kumportable sa pagmamaneho — naka-aircon, hindi naiinitan o nababasa ng ulan, tapos, ‘yung bahagyang gitgitan sa kalye ay naiinis pa sa mga nakamotor.
Mahirap ang buhay ng rider, maghapong bilad sa araw, isang mali lang sa balanse ay puwede nilang ikamatay. Araw-araw ang biyahe para makapaghanapbuhay ng legal — tapos madalas ay pinipinahan naman ng mga asar na motorista.
Gaya rin ng isang rider na walang kamalay-malay na katapusan na ng kanyang buhay ang paghinto niya sa stoplight matapos na araruhin ng pampasaherong bus sa Quezon City noong Sabado.
Dead-on-the-spot ang delivery rider nang salpukin at masagasaan pa ng bus na nasa likuran niya sa panulukan ng Commonwealth Ave. at Fairlane St., QC, bagama’t naka-red pa ang traffic light.
Sa report, nawalan umano ng preno ang bus na minamaneho ng driver kaya dumire-diretso ito sa rider na nakatigil sa stoplight.
Patay din ang isa pang motorcycle rider nang salpukin ng driver ng isang Toyota Fortuner sa Tanza, Cavite, noong Martes.
Isinugod pa sa Tanza Family General Hospital ang biktima na si alyas “Alvin” subalit namatay habang ginagamot. Hawak naman ng pulisya ang driver ng Toyota Fortuner na may plakang ZKL 439 na si alyas “Andres”.
Ilan lang ‘yan sa napakaraming rider na binawian ng buhay dahil lamang sa napakadelikadong hanapbuhay at kung hindi pa natin ibibigay ang kahit kakarampot na pang-unawa ay sino pa ang ating aasahan na iintindi sa kanila na buhay ang puhunan para maitawid lang sa gutom ang kanilang pamilya.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.