ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | November 23, 2023
Nagwakas na kahapon ang tatlong araw na tigil-pasada na pinangunahan ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) ngunit bukod sa press release ay wala namang dokumentadong napagkasunduan hinggil dito.
Nananatiling pangako ang mga binitawang pagtugon ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) sa mga kahilingan ng PISTON na inaasahang hindi sa tatlong araw na tigil-pasada magwawakas ang lahat ng mga pagkilos hinggil sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng gobyerno.
Bago pa man ikinasa ng PISTON ang tigil-pasada noong nakaraang Nobyembre 20 ay sinikap na ng LTFRB na makipagdayalogo sa kanila upang kumbinsihin na huwag nang ituloy ang nakatakdang three-day nationwide transport strike.
Sabi nga ni LTFRB Spokesperson Celine Pialago na ‘one call away’ lamang umano ang kanilang ahensya at may oras pa para kanselahin ng grupo ang transport strike.
Ngunit hindi nakumbinsi ang grupong PISTON dahil sa wala namang malinaw na napagkakasunduan sa pagitan ng PISTON at ng LTFRB pero nakahanda naman umano anumang oras ang PISTON sa anumang klase ng pag-uusap.
Sa madaling salita, natuloy din ang tatlong araw na tigil-pasada upang tutulan ang nalalapit na deadline para sa konsolidasyon ng traditional public utility jeepneys sa Disyembre 31 at siyempre naninindigan ang LTFRB sa itinakda nitong deadline sa konsolidasyon ng tradisyunal na jeepneys.
Kasabay ng nagaganap na tigil-pasada, humirit naman ang isa pang transport group na ipa-rehab na lamang umano ang mga lumang jeepney sa halip na palitan ito ng mga bagong modelo sa ilalim ng PUVMP.
Ayon sa grupong Stop and Go Coalition, hindi sila sasama sa tigil-pasada ng PISTON subalit pareho ang kanilang panawagan sa pamahalaan tungkol sa isyu ng modernization program.
Pakiusap ng Stop and Go Coalition na sa halip na magpalit ng buong sasakyan ay baka puwedeng magpalit na lamang ng makina dahil maitim na usok lang naman ang isyu upang hindi umano mahirapan ang maraming operator.
Tulad din ng isinisigaw ng PISTON, umaaray din ang Stop and Go Coalition hinggil sa napakamahal na presyo ng modern jeepney na hindi umano nila kakayanin at tanging mga supplier lamang umano mula sa China ang makikinabang dito.
Matatandaang sinabi ng PISTON na hindi sila kontra sa franchise consolidation subalit kailangang siguruhin umano ng pamahalaan na magiging pag-aari pa rin ng mga operator ang prangkisa sa ilalim ng PUVMP.
Aabot na nga naman kasi sa P40 milyon ang kailangan para sa consolidation o pagsasama-sama ng 15 unit ng jeepney na hindi kakayanin ng mga maliliit na operator.
Samantala, nag-anunsyo rin ang Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) na hindi umano sila sasali sa nationwide transport strike dahil inaalala nila ang kalagayan ng mga pasaherong walang masasakyan.
Kahapon, umeksena naman ang Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers transport group (MANIBELA) dahil sa huling araw ng tatlong araw na tigil-pasada ng grupong PISTON ay sila naman ang agad na nagdeklara ng panibagong tatlong araw na tigil-pasada.
Sinimulan nila kahapon Nobyembre 22 hanggang 23 ang panibagong tigil-pasada at lahat ng kahilingan na sinimulan ng PISTON ay kanilang ipagpapatuloy dahil naniniwala ang MANIBELA na hindi lang para sa kanilang grupo ang kanilang ipinaglalaban kundi sa kapakanan ng lahat ng transport group sa bansa na tutol sa PUVMP.
Heto na ang ating sinasabi, naghahalinhinan na ang mga transport group sa pagsasagawa ng kilos-protesta dahil papalapit na ang Disyembre 31 at kailangang may mangyari na kaya hindi malayong isang araw ay magkasundo na ang lahat ng transport group para ipakita ang tunay nilang lakas.
Wala pa rin kasing dokumentadong napagkakasunduan ang LTFRB at mga transport group – pareho silang sa media naglalaban kaya tingnan natin kung ano ang kahihinatnan ng lahat.
Sa kabila ng pagsasanib-puwersa ng MANIBELA at PISTON at hindi pa rin nila natinag ang pamahalaan ay posibleng humina ang laban ng tradisyunal na jeepney sa bansa maliban na lang kung lahat ng transport group ay magsasama-sama.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.