ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | November 30, 2023
Hindi lamang kapakanan ng ating mga ‘kagulong’ na gumagamit ng motorsiklo ang ating inaalala dahil maging ang sitwasyon ng mga siklista ay tinitingnan din natin ang kalagayan.
Bukod sa inyong lingkod ay marami na ring lokal na pamahalaan sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila ang tinututukan ang kalagayan ng mga nagbibisikleta dahil sa tumataas na rin ang bilang ng mga gumagamit nito.
Kamakailan lamang ay pinangalanan ang Quezon City bilang most ‘bike-friendly city’ sa buong Pilipinas ng 2023 Mobility Awards. Ibig sabihin, nagbunga rin ang seryoso nilang pagsisikap na mapabuti ang kalagayan ng mga nagbibisikleta.
Ito ang unang pagkakataon na napasama ang Quezon City sa nominasyon sa Mobility Awards at tuwang-tuwa ang pamunuan ng Quezon City Department of Public Order and Safety, dahil kahit paano ay nabigyang pansin ang kanilang napakagandang adhikain.
Hindi kasi ligtas ang QC na dumaranas ng matinding pagsisikip ng trapiko na pang-araw-araw na nararanasan sa buong Metro Manila at sa dinami-rami ng plano patungkol sa mga nagbibisikleta ay tila napakabagal nang pag-usad.
Mahigit kasi 16,000 siklista ang pumepedal sa 200 kilometrong bike lanes ng Quezon City araw-araw kaya napakalaking bagay na pinagbuti nila ito para sa kaligtasan ng mga biker.
Matindi ang ginawang pagtutok ng pamahalaan ng QC upang maisaayos ang eksklusibong linya para sa mga siklista upang maiwasan umano ang gitgitan sa pagitan ng nagbibisikleta at nagmomotorsiklo sa pamamagitan ng paglalagay ng permanentang concrete dividers.
Maraming klase kasi ang gumagamit ng bisikleta — una ay ang mga naghahanapbuhay tulad ng mga messenger, food delivery biker, mga nakabisikleta papunta ng trabaho, mga professional na siklista at ‘yung mga nais lamang mag-exercise.
Dahil sa magkakaiba sila ng gustong gawin ay magkakaiba sila ng bilis at istilo ng pagmamaneho at ang pagkakaroon ng eksklusibong linya sa ating mga lansangan ay isang malaking tulong para mailayo sila sa aksidente at iba pang disgrasya.
Isa pa sa napakagandang ipinangako ng pamahalaan ng QC ay ang pagdaragdag umano ng end-of-trip at middle-of-trip facilities para sa bikers, kabilang ang shower areas at comfort room.
Ito ang matagal na nating hinihiling na magkaroon ng mga shower area ang mga opisina upang mas dumami pa ang mga nag-oopisina na gumamit ng bisikleta na walang panahon para mag-ehersisyo.
Nakakatuwa na ang gobyerno ng naturang lungsod ay unang nakita ang ganda at mabuting dulot ng bike lane sa komunidad lalo’t ang lawak ng Quezon City ay mahigit pa sa ikaapat na bahagi ng buong Metro Manila.
Kung buong Metro Manila ay magkakaisa na pagdugtung-dugtungin ang lahat ng bike lane at tiyaking ligtas at maayos ang pagkakagawa ay siguradong darami pa ang maeengganyong magbisikleta.
Sa ginawang pagkilala ng 2023 Mobility Awards sa Quezon City bilang most ‘bike-friendly city’ sa buong Pilipinas ay pumangalawa ang Iloilo sa nasabing pagkilala na nakatanggap ng gold rating, habang itinanghal naman ang Baguio na 3rd best city para sa bicycling na mayroong silver rating.
Isinagawa sa Novotel sa Cubao kamakailan at kinilala ng 3rd edition ng Mobility Awards ang mga lungsod, malalaki at standalone businesses, workplaces maging mga indibidwal na gumagamit ng bisikleta bilang uri ng transportasyon.
Inorganisa ng Institute for Climate and Sustainable Cities (ICSC), MNL Moves, Climate Reality Project-Philippines, 350 .Org Pilipinas, at Pinay Bike Commuter, inilunsad ang Mobility Awards noong 2020, na naantala noong 2022.
Ang progreso hinggil sa programa at bicycle infrastructure sa mga siyudad, mga opisina at mga establisimyento ay ramdam na ramdam na at narito ang kumpletong listahan ng mga nanalo bilang bicycle-friendly cities — Quezon City – Gold, Iloilo City – Gold, Baguio City – Silver.
Ang mga bicycle-friendly workplaces naman ay — ang Medical City Ortigas (Pasig) – Gold, GSIS Main Office (Pasay) – Gold at Cebu IT Park na nakakuha ng Silver.
Marami na ang may sariling sasakyan, ang nais nang gumamit ng bisikleta sa pagpasok sa opisina kaya lamang ay pawisan silang darating kaya kailangang magtalaga na ng mga paliguan ang mga opisina upang mas marami na ang magbisikleta, na bukod sa mabuti sa kalusugan, matipid sa gasolina, bawas pagsisikip ng trapiko at bawas polusyon.
Kung kaya ng Kyusi, kaya rin ng iba!
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.