ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | December 23, 2023
Sa kabila ng iringan at hindi pagkakaintindihan kung sino ang mas sikat at mas malawak na transport group ay tila unti-unti na ring nabubuo ang watak-watak na grupo habang papalapit ang itinakdang deadline sa Disyembre 31, 2023.
Marami kasi ang dumagdag na transport group na sumamang maghain ng petisyon sa Korte Suprema upang ipatigil ang implementasyon ng PUV Modernization Program (PUVMP) na magreresulta umano sa phaseout ng mga traditional jeepney.
Sa 56-pahinang petisyon, hiniling nila sa SC na ideklarang null and void ang mga direktiba sa PUVMP at magpalabas ng temporary restraining order (TRO) upang mapigil ang implementasyon nito.
Isa sa kautusang inilabas ng Department of Transportation (DOTr) ay ang Department Order No. 2017-11, na nagsilbing gabay ng PUVMP, at ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) MC 2023-051, na nagtakda naman ng deadline sa consolidation sa katapusan ng taong ito.
Kabilang sa mga naghain ng petisyon ay sina PISTON national president Modesto Floranda, Jason Jajilagutan, Bayan Muna partylist coordinator Gaylord Despuez, Para-Advocates For Inclusive Transport member Edric Samonte, No to PUV Phaseout Coalition of Panay member Elmer Forro, Komyut spokesperson Ma. Flora Cerna at MANIBELA President Mar Valbuena.
Kabilang naman sa respondent ang DOTr, sa pangunguna ni Secretary Jaime Bautista, at ang LTFRB, sa pamamagitan ni Chairperson Teofilo Guadiz III.
Kasabay nang isinumiteng petisyon sa Korte Suprema ay tuloy pa rin ang panawagan ng PISTON at MANIBELA sa kapwa nila transport group na sumama na upang mas maging solido nga naman ang kanilang ipinaglalaban.
Mas malaking sakit ng ulo kasi ang ating kakaharapin sakaling hindi maresolba ang problema sa tradisyunal na jeepney dahil bukod sa darami ang mawawalan ng hanapbuhay ay maapektuhan pa ang ating mananakay.
Sa pagpasok kasi ng Bagong Taon ay dagdag-pasahe na kaagad ang nakaamba sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) at maraming commuter ang nababahala sa pagsirit ng pamasahe na nakatakda nang ipatupad sa darating na Marso.
Ayon sa DOTr, magkakaroon ng dagdag na P2.29 boarding fare at P0.21 distance fare, kapareho ng adjustment sa LRT-1 at LRT-2. Ibig sabihin, aabot sa tatlo hanggang anim na piso ang magiging taas-pasahe sa MRT-3.
Mabigat na pasanin ito para sa mga kababayan nating minimum wage earner lalo pa at hindi kasabay na tataas ang kanilang suweldo kaya maliwanag na ilang kilong bigas ang mawawala sa kanilang hapag-kainan.
Sinabi ng DOTr na ang pagtataas ng pamasahe ay ginagawa para tapatan ang gastusin sa maintenance ng mga railway system sa bansa.
Kailangan umanong isumite ang petisyon sa Rail Regulatory Unit ng DOTr ngayong linggo at pagkatapos ng dalawang linggo ay saka pa lamang mag-iisyu ng notice ng public hearing.
Bago ang hearing, obligado silang ilathala sa diyaryo ang kanilang petisyon sa fare hike sa loob ng tatlong linggo. Saka pa lang umano pag-aaralan ng Regulatory Unit ang kanilang petisyon sa loob ng 30 araw at kung ito’y maaaprubahan ay tatlong linggo muling ilalathala ang desisyon sa fare hike.
Siyempre, inaasahan nilang baka sa huling bahagi ng first quarter o simula ng second quarter sa darating na taon ay maipatutupad na ang dagdag-pasahe sa MRT-3.
Hinihiling nila ang P2.29 dagdag sa boarding fee at P0.21 kada kilometro kaya ang pamasahe mula Taft Avenue hanggang North Avenue ay magiging P34 na mula sa dating P28.
Sabagay, bukas na libro naman ang sitwasyon na kailangan ang dagdag-pasahe sa MRT-3 dahil sa laki ng subsidy ng gobyerno -- ang tunay kasing pamasahe dulo sa dulo ay P69 pero ang pinaiiral lamang ngayon ay P28 dahil inaako ng gobyerno ang P41 sa bawat pasahero.
Kaya kung hindi maisasaayos ng mas maaga ang problema ng transport group sa bansa at masunod ang plano ng pamahalaan hinggil sa phaseout ay talung-talo ang mga kababayan nating mananakay dahil mababawasan ang kanilang pagpipilian kung saan mas murang sumakay.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.