ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | July 6, 2024
Sa wakas ay may kumilos na para sa kapakanan ng mga motorista na madalas ay naaabala sa pagdaan sa expressway makaraang maghain si Sen. Raffy Tulfo ng Resolution No. 1060 para mapaimbestigahan at managot kung sino sa Toll Regulatory Board (TRB) at mga expressway toll operator ang may pagkukulang.
Hindi na nakayanan ng senador ang dagsa ng reklamo kaugnay sa matagal nang problema sa palpak na RFID system na nagiging sanhi ng buhol-buhol na traffic sa mga expressway.
Hanggang ngayon kasi ay maraming RFID tags ang hindi umano nababasa ng mga scanner dahil sa reader malfunction o maling pagkakalagay, na nagiging sanhi para hindi agad umangat ang mga toll barrier kaya matindi ang traffic.
Tinawagan na ni Sen. Tulfo, chairperson ng Senate Committee on Public Services, si TRB Executive Director Alvin Carullo, kung saan iminungkahi niyang sa oras na pumalya ang RFID reader, tatlong sasakyan pa lamang ang nasa pila ay sapilitan ng itaas ang barrier at libre na makadaan ang mga motorista habang inaayos ito.
Hinimok din ng mambabatas ang TRB na simulan nang ipatupad ang barrier-less na sistema sa mga expressway sa bansa.
Tulad ng dapat asahan ay nangako naman si Carullo na isa ito sa kanilang pag-uusapan sa pulong ng TRB para sa agarang aksyon.
Sana lang ay may kahinatnan ang mga pagsisikap na ito ng ilang kasamahan natin sa Senado at hindi makipagmagalingan sa press release ang TRB.
Ang kailangan natin dito ay aksyon at hindi paliwanag lang dahil maraming motorista ang naaapektuhan sa araw-araw na pamumuhay sa tuwing daraan sa mga expressway at hindi naman sila nagkukulang sa pagbabayad.
Sa ibang bansa ay hindi man lamang nagme-menor ang mga sasakyan sa tuwing dumaraan sa mga lugar na may toll barrier. Kumbaga, tuluy-tuloy lang ang biyahe at walang kaso kahit isa na hindi gumana ang kanilang toll barrier.
Hindi tulad sa atin na bumabagal na ang mga sasakyan pagdating sa toll barrier, tapos ay hindi pa kayang basahin ng mabilis ang RFID.
Matagal nang maraming nagrereklamo sa problemang ito, at hanggang ngayon ay nananatiling reklamo pa rin ang lahat — kaya tingnan natin ang pagkukusang ito ni Sen. Tulfo kung paano niya pagagalawin ang TRB at mga expressway toll operator sa bansa.
Isa pang dinaranas ng mga motorista sa pagdaan sa mga expressway ay ang pagbaha sa ilang bahagi nito na nagdudulot din ng pagsisikip sa daloy ng trapiko, at sana naman pagdating sa mga toll barrier ay ayusin nila.
May problema na nga sa antas ng ating edukasyon, kung saan kulelat tayo dahil sa rami ng ating mga mag-aral na hirap magbasa — pagdating ba naman sa toll barrier kulelat pa rin tayo dahil hirap magbasa ng RFID.
Ang mahal-mahal ng bayad sa mga expressway — sana naman ay palitan nila ng mas mabilis bumasa ng RFID sa kanilang mga toll gate at huwag mga puro sirain.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.