ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Marso 12, 2024
Noong unang inilunsad ng pamunuan ng Land Transportation Office (LTO) ang proyekto nilang LTO-On-Wheels na nagsimula lamang sa dalawa pero dahil sa napakagandang feedback ay plano na itong gawing lima sa lalong madaling panahon.
Hindi kasi inakala ng pamunuan ng LTO na maraming tanggapan ng pamahalaan ang nagre-request na madala na rin sa kanilang lugar ang mobile one-stop-shop ng LTO upang mas madaling makapagparehistro ng sasakyan o makapag-renew ng kani-kanilang lisensya.
Napakaganda ng proyektong ito dahil sa pamamagitan nito ay hindi na kinakailangang bumiyahe pa ng malayo ng aplikante dahil nasa kanilang lugar na at higit sa lahat ay hindi na sila magdurusa sa haba ng pila sa mismong mga tanggapan ng LTO.
Halos magdadalawang taon na nang umarangkada ang LTO-On-Wheels sa loob ng Camp Karingal upang bigyan ng mabilis na serbisyo ang mga police personnel na lahat ay tuwang-tuwa dahil nakatipid na sila sa gasolina at pamasahe ay nakatipid pa sila sa oras.
Kasama sa mga ipinoproseso ng LTO-On-Wheels ang aplikasyon sa renewal ng rehistro ng motorsiklo at iba pang sasakyan, student permit, renewal ng driver’s license, renewal without penalty at conversion ng paper license para maging card.
Standard naman ang ipinatutupad na bayad ng LTO at walang karagdagan kahit anong gastos at higit sa lahat ay direkta ang gagawing mga transaksyon sa kanilang mga tauhan at walang mga pasaway na pakalat-kalat para makialam sa mga aplikante.
Umani ng papuri ang hakbanging ito ng LTO dahil bukod sa mapapalapit ang serbisyo sa publiko ay mawawalan na rin ng pagkakataon ang mga ‘fixer’ na pakalat-kalat sa ilang tanggapan ng LTO dahil sobrang bumilis ang proseso.
Medyo may kataasan kasi ang bilang ng mga nagmamaneho ng motorsiklo ang walang lisensya lalo na sa mga probinsiya dahil sa marami nga ang medyo andap na magtungo sa tanggapan ng LTO sa pag-aakalang mahirap ang proseso.
Pero dahil sa LTO-On-Wheels ay malaking porsyento sa ating mga ‘kagulong’ sa mga probinsiya ang hindi na mahihirapang kumuha ng student permit upang magkaroon ng lisensya sakaling umabot na ang kanilang operasyon sa mga lalawigan.
Napakaganda dahil bukas ang tanggapan ng LTO sa mga nais na madala ang LTO-On-Wheels sa kani-kanilang lugar dahil maaaring mag-request ang mga barangay captain o kahit anong ahensya ng gobyerno para makapagbigay ng serbisyo kahit saan.
Puwede ring gamitin ng mga konsehal sa mga bayan na makipag-ugnayan sa LTO at dalhin sa kani-kanilang lugar ang LTO-On-Wheels para makita naman ng mga botante na mayroon silang ginagawa na hindi na sila gagastos.
Ang kailangan lang naman ay tiyaking maayos ang parking space para sa bus ng LTO at makapag-provide ng at least 10mbps na internet connection upang maiproseso ang requirements ng mga aplikante at pwedeng pag-usapan kung ilang araw mananatili ang LTO-On-Wheels sa isang lugar.
Kaso bigla akong nalungkot dahil ang milyong halaga ng bus para sa proyektong ito ay kasalukuyang nakatambak na lamang sa loob ng LTO compound sa Quezon City, kasama ng mga na-impound na sasakyan at kung hindi maaasikaso ay mabubulok na ng tuluyan.
Nakakapanghinayang dahil pera ng taumbayan ang ginastos dito na maayos naman sa simula at kapaki-pakinabang, pero sa hindi natin maintindihang pangyayari ay nakatengga na lamang ang naturang bus na maayos pa naman subalit pinabayaan na ng pamunuan ng LTO na itambak sa LTO compound.
Dalawang bus ito na pinagkakaguluhan noon ng ating mga kababayan at dahil sa sobrang epektibo ng naturang proyekto ay plinano na dagdagan ng tatlo pang bus para mas makapagbigay ng maayos na serbisyo.
Pero dahil sa papalit-palit na pamumuno ay ito ang naging resulta — walang proper turnover.
Kung hindi interesado ang bagong pamunuan ng LTO sa proyektong ito ay huwag naman sanang pabayaang mabulok na lamang ang nagagandahang bus dahil pwede pa itong magamit sa libreng sakay tuwing may mga isinasagawang tigil-pasada ang transport group.
Nakakapanghinayang kasi talaga at nakakalungkot na ang dating pinagkakaguluhang bus ng ating mga kababayan ay nakatengga at pinababayaang ulanin at arawin na lamang hanggang sa mabulok.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.