ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Abril 4, 2024
Mula Abril 5 hanggang 11 ng taong kasalukuyan ay libre ang pamasahe para sa mga beterano at isa pa nilang kasama na sasakay ng Metro Rail Transit-3 (MRT-3) bilang pakikiisa umano ng pamunuan ng MRT-3 sa pagdiriwang ng ika-82 Araw ng Kagitingan at Philippine Veterans’ Week.
Napakasimple ngunit isang markadong hakbang ang paggunitang ito ng pamunuan ng MRT-3 at inaasahang guguhit sa alaala ng mga Pilipino na minsan ay may mga kababayan tayong minsan ay nagsakripisyo para sa bayan.
Maging ang Department of Transportation (DOTr) ay nakikiisa sa pagdiriwang ng okasyon para sa mga beterano kaya naglaan sila ng libreng sakay bilang pasasalamat at pagtanaw sa kanilang ginawa para sa bansa.
Kinikilala rin umano ng MRT-3 ang mahalagang kontribusyon sa ating lipunan ng lahat ng mga beterano ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Kaya naman bilang tugon sa kahilingan ng Department of National Defense (DND), nais nilang bigyang-pugay at pasalamatan ang ating mga beterano kahit sa simpleng paraan.
At ito nga ang paghahandog ng ‘libreng sakay’ sa loob ng isang linggo para sa kanila at isa pa nilang kasamang bibiyahe.
Kailangan lamang nilang magpakita ng ID mula sa Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) sa security personnel ng mga istasyon para sa kanilang libreng sakay kahit anong oras sa loob ng isang linggong nabanggit.
Mahalaga ang hakbanging ito ng pamunuan ng MRT-3 dahil sa simpleng paggunita na ito ay maraming kabataan ang magtatanong kung bakit may libreng sakay at tiyak na maliliwanagan sila sa sakripisyo ng mga beterano sa bansa.
Maging sa hanay ng mga buhay pang beterano ay malaking bagay para sa kanila na maalala sa panahong ito na halos hindi na sila napapansin dahil sa sobrang bilis ng teknolohiya.
Tiyak na walang pagsidlan ang tuwang nararamdaman ng mga ito at ng kanilang mga kaanak dahil sa free ride na kahit paano ay kinikilala pa sila ng pamahalaan.
Hindi naman maitatago ang naging partisipasyon ng mga veterans sa ating kasaysayan, kaya napakalaking tulong ang ipinagkaloob na ito ng pamunuan ng MRT-3.
Sana, kahit isang araw ay magbigay din ng ganitong pagkakataon ang mga ordinaryong pampasaherong sasakyan upang lubos na ang ating paggunita para sa mga beterano.
Medyo may kabigatan ang pangarap nating ito dahil sa kalagayan ng marami nating transport group ngunit, naisip ko lang ang tuwang idudulot nito sa kanila kung magkakaroon ng katuparan.
Kaya sa mga beterano, huwag kayong mag-isip na nakalimutan na ng sambayanan ang inyong sakripisyo para sa bayan dahil alam naming bahagi kayo ng kung anumang meron kami ngayon sa aming panahon.
Saludo tayo sa pamunuan ng MRT-3 dahil sa pamamagitan ninyo ay nakapagbigay din ng kasiyahan ang taumbayan sa ating mga beterano.
Napakalaki ng impact ng ‘libreng sakay’ lalo pa’t isang linggong isasagawa ito para sa mga beteranong tila nakaligtaan na rin ng kanilang mga kaanak ay maaari naman nilang madalaw.
Bagama’t madalas tumitirik ang mga tren sa MRT-3 ay tila naibsan ng bahagya ang pagkayamot ng mga pasahero na tumatangkilik dito dahil sa buti ng kalooban ng pamunuan nito.
Sana, gumaya rin ang LRT-1 at LRT-2 para mas masaya at memorable ang paggunita natin sa mga beterano at ibang pang magigiting na Pilipino na nagsakripisyo ng buhay alang-alang sa bansa.
Dapat nating tandaan na kung wala ang ating mga lolo at lola ay wala tayo sa mundong ito kaya dapat lang na atin silang alalahanin at pasalamatan.
Hindi naman tayo nagbibigay ng pressure sa LRT-1 at LRT-2, ang sinasabi lang natin ay kung pupuwede at kung hindi naman kakayanin ay wala namang problema. Ang mahalaga ay alam ng ating mga beterano na nagsusumikap tayong bigyan sila ng kasiyahan sa panahong dapat silang gunitain.
Kaya sa ating mga war veterans, mabuhay kayong lahat!
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.