ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | April 20, 2024
UMARANGKADA na ang Metro Manila Development Authority (MMDA) at umabot na agad sa 132 na e-vehicle ang nahuli na dumaan sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila simula noong Abril 17.
Ayon sa MMDA, wala namang personalan at sumusunod lamang sila sa Regulation No. 24-002 series of 2024 na inilabas ng Metro Manila Council (MMC) na nagbabawal sa mga e-trike, e-bike, e-scooter at tricycle na dumaan sa mga pangunahing kalye sa Metro Manila.
Nasa 41 sa mga nahuli ang dinala sa impounding area ng ahensya sa Marikina City.
Nakasaad sa regulasyon na awtomatikong mai-impound ang sasakyan ng may-ari kung wala itong lisensya o walang rehistro ang sasakyan, partikular ang mga traysikel o e-trike.
Bukod sa pag-impound ng mga sasakyan, ang mga mahuhuling ilegal na dumaan sa national roads, circumferential road at radial road ay pagmumultahin ng P2,500.
Ngunit kasabay nito ay pinalawig ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) ng isang buwan pa bago simulan ang paghuli sa mga e-bike at e-trike na dumaraan sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.
Sa X post ni PBBM sa social media, inatasan nito ang Metro Manila Development Authority (MMDA) at local government units (LGUs) na bigyan ng palugit ang paghuli sa mga e-trikes at e-bikes na dumaraan sa mga ipinagbawal na lugar.
Sinabi ni PBBM na kailangan ang sapat na panahon para mapalakas ang information campaign at malaman ng publiko ang ban sa mga nabanggit na uri ng transportasyon sa mga pangunahing kalsada.
Inaasahang magdudulot ng bahagyang kalituhan sa panig ng mga nasakote na at na-impound na mga sasakyan kung kailangan ba nilang magmulta sa pagkuha nila ng kanilang na-impound na sasakyan o libre muna.
Sabagay may punto naman si PBBM na kailangang palawakin pa ang pagpapakalat ng impormasyon hinggil dito bago isagawa ang panghuhuli sa mga lalabag na may-ari ng e-bike dahil napakabigat nga naman ng multa para sa mga kababayan nating mahihirap.
Kaya dahil dito ay maaantala lamang ng isang buwan ang panghuhuli sa mga e-bike ngunit hindi nangangahulugan na puwede nang dumaan sa mga pangunahing kalye ang mga e-bike — bawal pa rin.
Ibig sabihin, sa susunod na buwan ay tutuluyan na ng mga otoridad ang panghuhuli, kumbaga nagbigay lang ng konsiderasyon si PBBM upang mabigyang babala ang mga hindi pa inaabot ng impormasyon nito.
Responsabilidad nga naman kasi ng pamahalaan na ipaabot ang mga impormasyon sa mga panuntunan bago ipatupad sa publiko, na marahil ay isa rin sa dahilan kung bakit umabot kaagad sa 132 ang nasakote ng MMDA sa kanilang pag-arangkada.
Sa 132 nahuli ng kagawaran ay hindi maiaalis na malaking porsyento rito ay sadyang pasaway, ngunit hindi rin maitatanggi na may porsyento rin na hindi pa talaga alam na bawal na ang e-bike sa mga pangunahing lansangan.
Sa isang banda, may mabuting dulot din naman ang anunsiyo ni PBBM dahil malaking balita kapag ang Pangulo ng Pilipinas ang nagsalita kaya tiyak na alam na alam na ng mga driver ng e-bike na bawal na sila sa national roads sa susunod na buwan.
Sa mga may-ari ng e-bike, huwag sana kayong magalit sa mga traffic enforcer dahil ang MMC ang nagbuo ng kautusang ito na ipinatutupad lamang nila ang batas.
At hindi naman ito basta naisip lang ng MMC dahil may mga isinagawa muna silang konsultasyon at pag-aaral, bago ipinatupad at nasisiguro kong para sa kapakanan ito ng lahat kaya napagkasunduan.
Inuulit ko, bawal pa rin ang e-bike sa mga pangunahing lansangan — sana lang habang hinihintay natin ang mismong araw na puwede nang manghuli ay maglagay ng mga signage sa mga kalsada na bawal na ang mga e-bike at e-trike para wala na silang maikatuwiran.
Sa malao’t madali ay masasanay din ang lahat, basta’t palagi nating isipin na ginagawa ito ng pamahalaan para sa ikabubuti at kaligtasan ng lahat.
Kaya sa mga nagpaplanong bumili ng e-bike o e-trike, wala namang problema basta’t alam lang natin na limitado na ang mararating nito dahil bawal na ito sa mga national road. Huwag nang maniwala sa sinasabi ng mga ahente na puwede ito kahit saan at hindi kailangan ng rehistro o lisensya dahil hindi na ito totoo.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.