top of page
Search

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | July 13, 2024


Mr. 1-Rider ni Atty. Rodge Gutierrez

Pansamantala tayong magpapaalam sa ating panulat dahil malapit na ang filing ng candidacy at napakabigat ng panahong iniuukol sa paghahatid sa inyo ng mga bagong impormasyon gamit ang espasyo nating ito. Ngunit, hindi nangangahulugang sa paghinto muna natin sa pagsusulat ay titigil na rin ang ating serbisyo-publiko.


Dahil mananatiling aktibo pa rin tayo sa pagtulong, andiyan si Cong. Bonifacio Bosita na ating kapwa Representative sa 1-Rider Partylist na tuluy-tuloy pa rin ang pagresponde ng personal sa mga motorista na biktima ng pang-aabuso ng mga enforcer sa kalye.


Ang inyong lingkod ay abala naman sa iba pang suliranin ng ating mga kababayan na inilalapit sa tanggapan ng 1-Rider Partylist. Mami-miss ko kayong lahat ngunit napakarami ng ating dapat isaalang-alang bilang Representante ng 1-Rider Partylist, lalo pa at ilang tulog na lamang ay halalan na naman.


Buong puso rin ang ating pasasalamat sa pamunuan ng BULGAR na nagbigay sa atin ng pagkakataon upang makapagbahagi ng ating opinyon at makaaasa kayo na pansamantala lamang ang pagtigil natin sa pagsusulat dahil sa napakarami nating dapat na tugunan bilang congressman at isang abogado na nilalapitan din para sa mga payong legal ng mga kababayan.


Bukod sa usaping pulitika ay nais ko ring pagtuunan ng pansin ang aking kinabukasan dahil ayokong tumandang binata. Oo, hindi ninyo naitatanong ay binata pa rin ang inyong lingkod hanggang sa kasalukuyan at marahil ay panahon na para bigyan ko naman ng bahagyang atensyon ang aking sarili.


May kapatid din akong konsehal sa Legaspi City sa Albay si Konsehal Luis Gutierrez na kailangan din nating alalayan sa darating na eleksyon kaya ngayon pa lamang ay kailangan na ang ating presensiya para sa darating na halalan.


Pasensya na dahil mabigat talaga ang preparasyon ng isang kumakandidato at napakarami rin ng mga kababayan namin sa Albay na may iba-iba ring problema na inilalapit naman sa aking kapatid na si Konsehal Gutierrez na kailangan ding bigyang pansin.


Sabagay alam ko namang isa sa nangungunang konsehal sa Legaspi City ang aking kapatid at naniniwala akong mahal siya ng mga taga-roon, kaya sa mga taga-Albay, maraming salamat sa inyong lahat at sa inyong pagtitiwala — mahal na mahal namin kayong lahat.


Medyo maninibago ako sa araw-araw kong ginagawa na kailangan kong alamin ang problema — hindi lang ng ating mga ‘kagulong’ kundi ng lahat ng motorista sa bansa na napakaraming hinaing pagdating sa transportasyon, kabilang na ang suliranin ng ating mga jeepney operator at driver na nanganganib mawala sa lansangan dahil sa modernisasyon.


Pero sa mga jeepney driver huwag kayong mag-alala dahil sa pagsusulat lang tayo sandaling magpapahinga, pero hindi sa pagtulong at serbisyo dahil mananatili pa naman akong Representative ng 1-Rider Partylist.


Makaaasa kayo na nandito pa rin ako para ipaglaban ang karapatan ng ating mga rider — katuwang ko si Cong. Bosita na siya namang personal na tumutugon sa lahat ng sumbong at tuluy-tuloy pa rin ang 1-Rider Partylist.


Kaya sa ating mga tagasubaybay, mami-miss ko kayong lahat, pero pagkatapos ng halalan ay muli tayong magkakasama-sama para muling ihatid sa inyo ang mga kaganapan na may kaugnayan sa transportasyon at suliranin ng mga rider sa bansa.

Ito ang inyong lingkod Rep. Rodge Gutierrez, hanggang sa muli!


 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | July 11, 2024



Mr. 1-Rider ni Atty. Rodge Gutierrez


Nagpahayag ang NLEX Corporation na pansamantalang isasara sa mga motorista ang bahagi ng Northbound at Southbound lane sa pagitan ng Balintawak Cloverleaf at Balintawak Toll Plaza sa Quezon City.


Sa kanilang anunsiyo, ipapatupad ang lane closures tuwing alas-10 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga simula sa Hulyo 9 hanggang 16 ngayong taon.


Ito ay dahil umano sa isasagawang roadway lighting repair sa nasabing lugar na may 100 metro ang haba.


Kasabay nito, isasagawa rin ang gantry installation works sa bahagi ng Mapulang Lupa sa Valenzuela City sa Hulyo 9, gayundin sa Torres Bugallon bridge area, at pagkatapos ng NLEX Tabang Entry ramp.


Gagawin din ito tuwing alas-8 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga hanggang matapos sa Hulyo 12, 2024.


Samantala, inanunsiyo naman ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na bahagyang isasara ang bahagi ng Legarda flyover sa Manila mula Hulyo 6 hanggang Nobyembre 6 para ito ay kumpunihin.


Ayon sa DPWH kanilang papalitan ang 19 units ng nasirang expansion joints ng naturang flyover.


Ang mga expansion joints na patungong westbound lane papuntang Legarda ang mga uunahing aayusin.


At ang kalahati ng mga isasaayos ay ang kabilang linya naman, kasama na ang eastbound lane papuntang Magsaysay Boulevard.


Kaya pinapayuhan natin ang lahat ng motorista na maghanap na ng alternatibong ruta dahil sa inaasahang pagbibigat ng daloy ng trapiko sa mga panahong nabanggit.


Mabuting makaisip na agad ng mga maaaring madadaan para hindi na maabala pa sa pagpasok sa trabaho at maantala sa mga transaksyon.  

 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | July 9, 2024



Mr. 1-Rider ni Atty. Rodge Gutierrez


Tuwang-tuwa ang lider ng mga lehitimong Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) dahil sa tinugunan na ng Land Transportation Office (LTO) ang kanilang reklamo hinggil sa talamak na kolorum na nagresulta sa 50 porsyento ang itinaas ng kanilang kita araw-araw mula nang ipatupad ang patakarang “No Plate, No Travel” noong Hulyo 1.


Umabot sa kabuuang 101 tricycle ang na-impound sa isang linggong pagpapatupad ng policy na ito sa Quezon City ng LTO at ng city government.


Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, patuloy na ipatutupad ang patakaran, sa tulong na rin ng mga pinuno at miyembro ng TODA ng QC.


Nagpasalamat naman ang pamunuan ng LTO sa mga TODA member dahil umano sa kanilang tiwala at suporta sa ahensya na nangako na susuportahan ang mga lehitimong tricycle driver na namamasada ng patas na matagal nang nagrereklamo.


Dahil sa ginawa ng LTO, sinabi ng mga miyembro at lider ng TODA sa lugar na nabawi nila ang nawalang kita mula nang simulan ang operasyon laban sa mga kolorum na tricycle.


Batay sa datos ng ahensya, may kabuuang 101 tricycle ang na-impound simula noong Hulyo 1 habang nasa kabuuang 123 tricycle driver ang nabigyan ng traffic violation ticket.


Nilinaw ni Mendoza na ang operasyon ay para protektahan ang mga lehitimong tricycle operator at drivers na nawawalan ng kanilang kita dahil sa mga hindi rehistradong tricycle.


Bagama’t nagrereklamo ang mga na-impound na tricycle ay wala namang humpay ang pasasalamat ng mga legit na bumibiyahe ng tama at sumusunod sa regulasyon dahil sa nabawi na umano nila ang kanilang kita na lantarang ninanakaw ng mga kolorum.


Ang “No Plate, No Travel” policy sa lungsod ay magiging pilot test para sa pagpapatupad nito nationwide sa lalong madaling panahon, at sana ay maging aral ito sa iba pang lugar na santambak ang kolorum dahil paparating na rin sa inyong lugar ang LTO.


Ngayon pa lamang, dapat na kumilos na ang napakaraming tricycle na kolorum sa iba’t ibang bahagi ng bansa para hindi na kayo matulad sa mga na-impound sa QC.


Tandaan natin na hindi basta-basta lang nag-o-operate ang LTO dahil tugon ito sa sandamukal na reklamo ng mga lehitimong tricycle operator at drivers na bumibiyahe ng patas ngunit naagawan ng kita ng mga kolorum.


Sa puntong ito, malungkot man ang mga na-impound ang tricycle dahil kolorum, tuwang-tuwa naman ang mga tricycle na sumusunod sa batas.   

Kaya sa LTO, keep up the good work!

 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page