ni Jeff Tumbado @News | September 19, 2023
Inihayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na naipamahagi na nito ang ayuda sa 63,864 na mga PUV operator sa buong bansa na siyang mga benepisyaryo sa ilalim ng Fuel Subsidy Program (FSP).
Base sa datos ng LTFRB, noong Setyembre 15 ay na-credit na ang kaukulang halaga sa account ng 63,864 na mga PUV operator sa buong bansa. Ito ay ilang araw lamang matapos ma-download sa LTFRB ang pera noong Setyembre 12 at sinimulan ng ahensiya ang implementasyon nito noong Setyembre 13 at 14.
Sa naturang bilang, ang mga Traditional Public Utility Jeepney (TPUJ) ang may pinakamalaking bilang na nakatanggap ng ayuda na umabot na sa 61,655.
Kasunod nito ang mga Public Utility Bus (PUB) kung saan 1,059 na ang nakatanggap ng ayuda, at 563 naman para sa mga Modern Public Utility Jeepney (MPUJ).
Nakatanggap na rin ng ayuda ang mga operator ng Minibus, Tourist Transport Services, School Transport, at mga Filcab.
Hinggil naman sa isyu na may ilang operator pa ang hindi nakakatanggap ng kanilang ayuda dahil sa election ban, ang Department of Transportation (DOTr), sa pakikipag-ugnayan sa LTFRB, ay nasa proseso na ng pagsumite ng isang petisyon sa Commission on Elections (Comelec) na naglalayong i-exempt ang FSP sa Comelec Resolution No. 10944.
Ang naturang resolusyon ay nagbabawal ng pamamahagi ng public funds para sa social welfare at public works sa panahon ng eleksyon tulad ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections na gaganapin sa Oktubre 30, 2023.