ni Jeff Tumbado | May 3, 2023
Naglabas ng El Niño alert ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na mas titindi ang init at alinsangan ng panahon sa susunod na tatlong buwan o Hunyo hanggang Agosto ng kasalukuyang taon.
Ang El Niño phenomenon ay namumuo sa pamamagitan ng abnormal na pag-init ng mga temperatura sa ibabaw ng dagat partikular sa gitna at silangang ekwador sa karagatang pasipiko at ang pagbaba sa normal na pag-ulan.
Bagama't pinapataas ng El Niño ang posibilidad na magkaroon ng mas mababa sa normal na kondisyon ng pag-ulan, sinabi ng PAGASA na higit sa normal na kondisyon ng pag-ulan sa panahon ng Southwest Monsoon season na kilala rin bilang Habagat season ay maaaring asahan sa kanlurang bahagi ng bansa.
Kaugnay nito, patuloy na susubaybayan ng PAGASA ang epekto ng El Niño phenomenon sa susunod na mga araw.
Inabisuhan naman ng PAGASA ang lahat ng ahensya ng gobyerno at ang publiko at hinihikayat na patuloy na mag-monitor at magsagawa ng mga hakbang sa pag-iingat laban sa napipintong epekto ng El Niño.