ni Angela Fernando @Entertainment News | August 16, 2024
Naaresto na ang limang taong sangkot sa pagkamatay ng aktor ng "Friends" na si Matthew Perry, ayon sa dalawang mapagkakatiwalaang law enforcement sources na kinumpirma sa CBS News kamakailan.
Hindi pinangalanan ang mga suspek sa pagsu-supply ng ketamine kay Perry. Naganap ang mga pag-aresto halos isang taon matapos matagpuan ang walang buhay na katawan ng 54-anyos na aktor sa kanyang jacuzzi sa bahay niya sa Pacific Palisades, Los Angeles.
Inilabas ang ulat ng toxicology ng Los Angeles County medical examiner, kung saan nakasaad na ang sanhi ng pagkamatay ni Perry ay dahil sa matinding epekto ng ketamine.
Matatandaang bukas si Perry tungkol sa kanyang pakikipaglaban sa addiction, na kanyang tinalakay sa kanyang best-selling na memoir na "Friends, Lovers and the Big Terrible Thing." Ang libro ay inilabas dalawang taon bago siya pumanaw.