ni Grace Poe - @Poesible | December 20, 2021
Ilang araw na lamang ay Pasko na. Habang nananabik ang marami sa parating na pagdiriwang, ang mga kababayan natin sa Visayas at Mindanao na sinalanta ng Bagyong Odette ay naghihintay na magkaroon ng kuryente at linya ng komunikasyon.
Pambihira ang naging pinsala ng nasabing bagyo sa mga dinaanan nito. Matindi ang pagkasira sa mga pag-aari at imprastruktura sa mga lalawigan at bayang nasalanta.
Kalunus-lunos, halimbawa, ang lumalabas na larawan sa social media ng nangyari sa Siargao at iba pang lugar.
Nagsisimula pa lang bumangon ang ating mga kababayan mula sa pagkakalugmok dahil sa pandemya, narito naman ang bagyo. Marami tuloy ang nagtatanong, anong pagsubok pa ba ang darating sa kanila at kung makakaya pa ba nila ito?
Ang isip at puso natin ay nasa mga kababayan nating lubos na apektado ng nagdaang kalamidad. Sa pagkakataong tulad nito, nais nating buhayin ang ating panawagan ng suporta para sa pagtatatag ng kagawaran sa pamahalaan na nakatutok talaga sa disaster risk reduction and management. Sa gitna ng climate change at lokasyon ng ating bansa na daanan talaga ng bagyo at nasa Pacific Ring of Fire na nililindol, ang paghahanda at pagpaplano para sa mga kalamidad ay nararapat na bigyang-prayoridad.
Natutuwa tayong makitang buhay ang espiritu ng bayanihan tuwing may sakuna. Saludo tayo sa mga kababayan nating gumagawa ng paraan para makapag-ambag at makapagparating ng kanilang tulong sa mga nasalanta. Gayunman, pamahalaan ang pangunahing may tungkulin para sa kaligtasan at pagkalinga sa mga apektado ng kalamidad. May mga mekanismong umiiral na sa kasalukuyan pero mas mapagbubuti ito kapag gagawin nating institusyonal ang disaster risk reduction and management sa pamamagitan ng pagbubuo ng departamentong ito talaga ang pangunahing trabaho.
Sa panahon ng kalamidad, napakahalaga ng maliksi at agarang disaster response. Nakatulong ang pagkakaroon ng disaster alerts bunga ng inakda nating batas, ang Republic Act No. 10639 o ang Free Mobile Disaster Alerts Act. Ang maagap na paglilikas na ginawa ng mga local government unit ay nakatulong nang malaki para iligtas ang buhay ng mamamayan. Prayoridad palagi ang buhay.
Sabi nga ng ating matatanda, daig ng maagap ang masipag. Ang kailangan ng ating bansa ay malawakang plano at programa para sa paghahanda sa panganib ng mga kalamidad at sakuna na magagawa natin nang mas maayos sa pamamagitan ng Department of Disaster Resilience and Emergency Assistance and Management.