ni Sir Govinda Jeremaya - @Halamang Gamot | September 23, 2020
Ang saging na saba.
Maraming klase ang saging—may latundan, señorita, lakatan at iba pa, pero sa lahat ng saging, ang saba ay natatangi.
Ang ibang saging ay hindi puwedeng iluto o ilaga at hindi puwedeng gawing sangkap sa masasarap na ulam. Ang totoo nga, saging na saba ang tunay na nagpapasarap sa nilagang karne tulad ng baka, baboy o kalabaw. Gayundin, kapag ang nilagang baka ay walang saging na saba, hindi ito maituturing na nilaga.
Ganundin ang super-espesyal na “putsero”, ito ay kailangang may saging na saba dahil kung wala, wala na rin itong masarap na lasa.
Ang saging na saba ay hindi lang pampasarap ng ulam dahil ito rin ay super food na gamit sa herbal medicine.
Noong panahon ng ikalawang digmaang pandaigdig o World War II, napakalaki ng tulong ng saging na saba sa mga sundalong sugatan. Sa panahon ding ito, naimbento ni Maria Y. Orosa, food technologist at pharmaceutical chemist, ang banana ketchup dahil ginawa niyang ketchup ang saging saba.
Roon na nakilala ang saging na saba bilang herbal medicine. Dahil maraming sundalo ang nagsigaling sa kanilang iba’t ibang karamdaman, pagkatapos ng digmaan, hindi lang ang mga sundalong nakipaglaban para sa bayan ang itinanghal na bayani kundi maging ang saging na saba.
Narito ang mga karamdaman na kayang lunasan ng saging na saba:
Ito ay may kakayahang mapabilis ang paghinto ng paninigarilyo. Dahil sa Vitamin B at iba pang minerals, ang epekto ng nicotine sa katawan ay nalulunasan.
Malaki rin ang naitutulong ng saba para mabawasan ang menstrual pains ng kababaihan.
Pinanatili ng saging na saba ang magandang body temperature para sa mga buntis.
May kakayahan ang saging na saba na pagandahin ang pagdaloy ng dugo sa buong katawan.
Dahil sa taglay na matataas na level ng potassium, ang high blood pressure ay naiiwasan at ang puso ay lumalakas.
Mabilis na napapagaling ng pagkain ng saging na saba ang ulcer.
Ang dahon ng saging na saba ay ginagawang higaan ng mga nasunog ang katawan. Ito rin ay itinatapal sa nasunog na bahagi ng katawan para mapabilis ang paggaling.
Samantala, saging na saba ang sangkap ng maruya na paborito ni Pangulong Rodrigo Duterte. May mga nag-aakala na ang maruya ay pinritong saging, pero ang tunay na maruya ay ibinabalot sa harina ang saging na saba saka ipiprito. Ibig sabihin, ang simpleng pagprito sa saging na saba ay hindi matatawag na maruya.
Hindi rin tunay na maruya ang saging na saba kapag iba ang ipinambalot dito dahil tulad ng nasabi na, harina ang pambalot sa saging na saba para matawag na tunay na maruya.
Dito sa Pilipinas, akala ng marami ay kanin at bigas lang ang staple food, pero sa totoo lang, mali ang ganitong pananaw dahil sa mga probinsiya, saging na saba ang pangunahing pagkain. Kahit hindi na kumain ng kanin o mais, okey na ang mga tao, basta makakain lang ng saba.
Ang isa pang totoo tungkol sa staple food na saging na saba, hinog o hilaw, ito ay inilalaga at pamalit sa kanin at mais.
May panahon sa ating bansa, lalo na sa Manila na sobrang taas ng presyo ng bigas. Kapag muling nangyari ito, subukan mo ang saging na saba at magugulat ka dahil mas mahaba ang oras na ikaw ay busog.
Good luck!