ni Gina Pleñago | July 21, 2023
Sinagot ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Taguig ang hirit ni Mayor Abby Binay na hindi matutumbasan ng una ang mga benepisyong ibinibigay ng Makati sa 10 barangay na nalipat na sa kanilang hurisdiksyon.
Ayon kay Taguig City Mayor Lani Cayetano, dapat nang tanggapin ng Makati LGU ang naging pinal na desisyon ng Korte Suprema para maiwasan ang pagkagambala ng
publiko.
Naninindigan ang Taguig LGU na handa sila sa responsibilidad na nakaatang sa kanila sa 10 barangay tulad ng kanilang pag-aalaga sa kanilang 28 barangay.
Pumalag din umano si Cayetano sa naging pahayag ni Binay na tila minaliit ang Taguig sa kakayahang maibigay ang social benefits sa 10 barangay at ipinagmalaki pa na kaya rin aniya ng Makati na ibigay ang scholarship program ng Taguig.
Tinawag pang uncharitable at unfounded ang pahayag na ito ni Binay na irrelevant umano sa pinal na desisyon ng SC.
Sa huli ipinaalala ni Cayetano na ang tanging layunin ng bawat isa ay para sa ikabubuti ng mamamayan at kanilang residente na dapat na tamang gawin ay sundin ang utos ng Korte Suprema.