ni Gina Pleñago @News | August 13, 2023
Pinalaya na si dating military comptroller retired Maj. Gen. Carlos Garcia mula sa New Bilibid Prison.
Sinunod umano ni Bureau of Corrections Director General Gregorio Catapang ang utos matapos aprubahan ni Justice Secretary Crispin Remulla ang pagpapalaya kay Garcia, na natapos na ang sentensya sa ilalim ng batas na naggagawad ng good conduct time allowance (GCTA) para sa persons deprived of liberty (PDLs).
Matatandaang sinentensiyahan ng Sandiganbayan 2nd Division si Garcia ng apat hanggang walong taong pagkakakulong para sa direct bribery at apat hanggang anim na taon sa money laundering.
Si Garcia ay nasentensiyahan din ng hindi bababa sa isang taon at walong buwan hanggang maximum na dalawang taon at apat na buwan para sa perjury at maximum na dalawang taon para sa paglabag sa 96th at 97th Article of War ng General Court Marcial ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.
Ayon sa tala, si Garcia ay nasentensiyahan ng tiyak na pagkakakulong na 18 taon at apat na buwan ngunit ang oras ng pagsilbi nang may time allowance ay lumampas na sa kanyang pinakamataas na sentensiya, na kinalkula batay sa Republic Act No. 10592.
Ayon kay Catapang wala nang legal na batayan para sa karagdagang pagkakakulong ni Garcia sa NBP matapos niyang pagsilbihan ang kanyang pinakamataas na sentensiya.
Matatandaang nasangkot si Garcia sa “pabaon” scandal o malaking retirement bonus ng militar sa ilalim ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Si Garcia ay inakusahan din ng pagkamal ng mahigit P300 milyong ill-gotten wealth na nakuha umano niya noong siya ay nasa AFP.