ni Gina Pleñago | June 24, 2020
Sa puspusang pagtugon ng Las Piñas Government sa mga kaso ng COVID-19, naitala kahapon ang 41 na pasyenteng gumaling sa virus, ang pinakamalaking bilang ng recovery cases sa lungsod.
Ibinahagi ni Mayor Imelda 'Mel' Aguilar ang panibagong pagkakatala ng mga pasyenteng gumaling sa sakit kung saan umabot na aniya sa kabuuang 275 recoveries sa buong siyudad.
Ang mga nakikita umanong dahilan kaya mabilis ang pagbuti ng lagay ng COVID cases ay dahil sa mga inilatag na health protocols kasama na rito ang paglalagay ng mga converted isolation facilities kaya agad naihihiwalay ang mga nagpositibo at mga nagpakita ng sintomas ng sakit, binibigyan sila ng masusustansiyang pagkain, gamot at wastong pangangalaga habang naka-quarantine, paglilipat sa tertiary hospital kung may iba pang sakit ang pasyente at ang tuluy-tuloy na Expanded Targeted Testing na isinasagawa sa lungsod.
Inihayag ni Las Piñas City Health Office (LPCHO) Chief, Dr. Ferdinand Eusebio, malaking tulong din ang mas maigting na screening at contact tracing sa mga residenteng posibleng nakasalamuha o na-expose sa mga pasyenteng nagpositibo sa COVID-19.
Nagpapatuloy din ang rapid at swab testing sa mga suspected COVID cases sa lungsod.