ni Gina Pleñago | March 18, 2023
Humingi ng paumanhin at pang-unawa sa publiko ang Bureau of Immigration (BI) kaugnay sa mahigpit nilang pagsala sa mga dumaraan na pasahero sa mga paliparan.
Kaugnay ito sa viral video sa social media kung saan ikinuwento ng isang pasaherong Pilipina ang hindi niya magandang karanasan sa kamay ng isang tauhan ng BI.
Ipinaliwanag naman ng BI na ang masusi nilang mga pagtatanong sa mga pasahero ay dahil sa pagnanais na mapigilan ang mga insidente ng human trafficking.
Tinukoy ng ahensiya noong 2022 ang pagkakaharang sa pagbiyahe ng 472 na pasahero na lumabas na biktima ng human trafficking o illegal recruitment, 873 na gumamit ng pekeng dokumento at nasa 10 ang menor-de-edad na nagtangkang magtrabaho
abroad.
Anila, seryoso ang mga isyung ito na hindi maaaring balewalain at mismong si Pangulong Bongbong Marcos ang nagpaabot ng pagkabahala.
Kaya naman prayoridad ng BI ang development ng kanilang mga tauhan at paghimok sa mga netizen na idulog ang isyu kaugnay sa pagtupad nila ng tungkulin.