ni Gina Pleñago | May 13, 2023
Inabsuwelto kahapon si dating Senadora Leila De Lima ng Muntinlupa Regional Trial Court ( RTC) Branch 204 matapos ang anim na taong pagkakakulong sa kasong conspiracy to commit illegal drug trading, mula sa isa sa dalawang natitirang kaso nito.
Base sa 39 pahinang desisyon ng Muntinlupa ETC, ipinawalang sala nito si De Lima sa kaso nito na may kinalaman sa illegal drug trade sa New Bubid Prison (NBP).
Abril 2022 nang bawiin ni dating Bureau of Corrections officer-in-charge Rafael Ragos ang kanyang naging alegasyon na nagbibigay siya ng drug money sa dating senadora noong 2012.
Sinabi nito na napuwersa at pinilit lamang umano siya ni dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na tumestigo laban kay De Lima.
"Binanggit din ng hukuman na importante ang naging recantation ni Deputy Director Ragos dahil nung binawi niya itong salaysay eh nawala na nang tuluyan ang basehan ng akusasyon sa kanya at nagkaroon ng reasonable doubt sa akusasyon laban kay Senator De Lima," sabi ng abogado ni De Lima na si Atty. Filibon Tacardon.
"A glorious day. This is the beginning of my vindication," ani De Lima habang naka-escort naman sa kanya ang mga pulis.
Matatandaan na si De Lima ay nakakulong simula noong Pebrero 2017 matapos siyang akusahan ng panahon ng Duterte administration na sinasabing nanghihingi siya ng pera mula sa mga inmate sa NBP kapalit ng umano’y pagpayag nito sa bentahan ng droga sa loob ng naturang bilangguan.
Labis na nagpasalamat si De Lima sa mga tumulong sa kanya at nakipaglaban upang patunayan na siya ay inosente sa inaakusa sa kanya.
Paliwanag ng abogado ni De Lima, walang nakitang ebidensiya ang prosekusyon na mag-uugnay kay kina De Lima at Ronnie Dayan sa sinasabing illegal drug trading.
Matatandaan na una nang ibinasura ng korte ang iba pang kaso ni De Lima na may kaugnayan sa droga noong 2021.
Sa kabila na inabsuwelto si De Lima, mayroon pa itong natitirang kasong kinakaharap na may kaugnayan pa rin sa droga at humiling ito sa hukuman na makapagpiyansa para sa pansamantalang paglaya, na hinihintay pa ang magiging desisyon ng hukom.