ni Gina Pleñago @News | October 8, 2023
Tinatayang nasa 25 Pinoy na biktima ng human trafficking at illegal recruitment ang nailigtas sa Cambodia.
Batay sa mga awtoridad, sila ay nagtatrabaho bilang mga scammer sa isang crypto farm.
Agad na sinimulang hanapin ng mga opisyal ng Philippine Embassy ang mga manggagawa matapos humingi ng tulong ang ilan sa mga ito dahil sa hindi pagbabayad ng kanilang mga amo.
Sa tulong ng impormante natunton ang kanilang kinaroroonan.
Batay kay Consul General Emma Sarne, lahat ng naligtas na mga Pilipino ay walang Overseas Employment Contract (OEC) at hindi dumaan sa legal na proseso.
Sinabi ni Sarne na nakalabas sila ng bansa na nagpapanggap na mga turista.
Sa ngayon, ang naturang mga biktima ay nasa government facility na sa Cambodia at kasalukuyan nang nagsasagawa ang mga awtoridad ng imbestigasyon at pakikipagtulungan sa Cambodian government.