ni Gerard Peter - @Sports | July 02, 2021
Umaasa ang Philippine Sports Commission (PSC) na matutumbasan o malalampasan pa ng Pilipinas ang maipapadalang mga Paralympians sa 2020+1 Tokyo Paralympics matapos paniguradong makapagdadala ang bansa ng 5 national athletes.
Inihayag ni PSC Commissioner Arnold Agustin na naghihintay pa sila sa Tripartite Agreement na para sa 3 sports events mula Cycling, Para-Power Lifting at Table Tennis upang masamahan sina Allain Ganapin (Para taekwondo), Jerrold Mangliwan (Para Athletics; wheelchair racer), Jeanette Aceveda (Para Athletics; discuss thrower), Ernie Gawilan (Para Swimming) at Gary Bejino (Para Swimming).
“Silang lahat ay dumaan sa standard qualifying event, so napakahirap ng pagka-qualify nila,” wika ni Agustin, kahapon ng umaga sa TOPS Usapang Sports on Air.
“Mayroon pa tayong inaabangan by Tripartite Agreement dun sa ating cycling at sa para-power lifting, bale inaabangan pa rin natin iyon hopefully mapili rin sila,” dagdag ni Agustin na umaasang mapapantayan ang 6 na naipadala sa 2016 Rio Paralympics o higit pang manlalaro sa paralympiad na nakatakdang magsimula sa Agosto 24-Setyembre 5 sa Tokyo, Japan. “So, we’re still waiting sa tatlong event na iyon, hopefully magkaroon pa ng dagdag, kase nung last Rio Olympics 6 yung nagqualified natin eh, so right now 5 pa lang, maganda sana kung equal o madagdagan pa natin sa Tokyo Olympics,” paliwanag ni Agustin sa programang suportado ng PSC, Games and Amusement Board at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Sinabi rin ni Agustin na may tsansa na muling makabalik sa Olympiad si 2016 Rio Olympics singles class 8 bronze medalist at 7-time ASEAN Para Games champion Josephine Medina sa Tokyo meet kung sakaling magba-backout ang kasalukuyang World number 1 sa kanyang kategorya.
“Although hindi siya (Medina) na-invite via partite, bale No.2 siya, just in case na magbackout yung No,1 makakapasok siya automatic,” saad ni Agustin, kung saan tinuldukan ng 51-anyos na two-time Asian Para Games silver medalist ang 16 na taong pagkagutom sa medalya sa Paralympic Games na huling kinuha ni para-power lifter Adeline Dumapong sa 2000 Sydney Paralympics sa kanyang bronze medal sa women’s under-82.5kgs category.