ni Gerard Peter - @Sports | July 09, 2021
Isang makapigil-hiningang pagtatapos ang ipinamalas ng parehong Pagadian Explorers at Roxas Vanguards sa ikalawang araw ng kompetisyon sa pagbubukas ng Mindanao division ng Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup na nagtapos sa 82-80 pabor sa Explorers sa overtime game sa Ipil Provincial Gym sa Ipil Heights, Zamboanga Sibugay.
Isinalpak ni Von Lloyd Dechos ang isang napakalaking tres sa 25.50 segundo ng overtime upang ibigay sa Explorers ang unang panalo sa liga at iunsyami ang unang panalo ni dating PBA forward Eddie Laure na nagtitimon sa Vanguards.
May ilang pagkakataon ang Roxas na maitabla o makuha ang kalamangan mula sa 3-pt shot ni James Castro sa 8segundo at 2-pt shot ni Chito Jaime sa buzzer-beater shot, ngunit parehong pumalya.
Ito lamang ang ikalawang pagkakataon na nagkaroon ng overtime game simula ng makamit ng Dumaguete Warriors ang panalo kontra sa Tabogon Voyagers, 67-65 sa step -ladder playoffs na napagwagian ng Warriors sa Visayas leg.
Limang manlalaro ang kumamada ng double-digits para sa Explorers sa pangunguna nina John Edros Quimado at Kean Caballero na parehong nagtapos ng tig-12 puntos, habang nagbuslo ng tig-10 puntos sina Dechos, Christian Manalo, at Rich Guinitaran.
Nabalewala naman ang double-double scoring at rebounding nina dating NCAA MVP at PBA pro na si Leo Najorda na may 15pts at 11 rebounds, at Ernesto Bondoc Jr sa 15 pts at 13 rebs, 3 assts at 2 steals.
Nasayang ang pagkakataon na madala ni Manalo ang panalo sa 4th quarter ng magmintis ito sa ikalawang freethrow sa nalalabing 41.80 seconds. Parehong nabigo ang dalawang panig na maiselyo ang panalo.
Sunod na lalabanan ng Explorers ang Zamboanga City sa Martes sa first game sa ala-1:00 ng hapaon habang susubukang makabawi ng Vanguards sa darating na Linggo kontra sa Clarin Sto Nino sa 3pm game.
Samantala, binuhat ni dating Blackwater Bossing guard Renz Palma ang Kapatagan Buffalo Braves para makuha ang bwena-manong panalo kontra Iligan City Archangels, 64-56, Miyerkules ng gabi.