ni Gerard Peter - @Sports | November 14, 2020
Isasantabi muna pansamantala ang nakatakdang paghaharap nina undefeated American Ryan “The Flash” Garcia at 135-pound title contender Luke “Cool Hand” Campbell ng Great Britain para sa boxing lightweight bout sa Disyembre 5 sa U.S. nang magpositibo sa (COVID-19) ang British boxer.
Hahanapan na lang ng panibagong petsa ang inaabangang sagupaan ng pambato ng Golden Boy Promotions ni Oscar Dela Hoya at ng dating 2012 London Olympics bantamweight gold medalist ni Matchroom Promotions Eddie Hearn “Unfortunately, Luke Campbell tested positive for COVID-19. He has completed isolation and resumes training shortly but will not be fit for Dec 5,” pahayag ni Hearn sa isang website. “We are working on a new date with Golden Boy and DAZN and only anticipate a very short delay to this great fight.”
Paglalabanan nina Garcia (20-0, 17KOs) at Campbell (20-3, 16KOs) ang karapatang maging mandatory No.1 contender sa titulo ni World Boxing Council (WBC) undefeated lightweight champion Devin “The Dream” Haney (25-0, 15KOs) ng America na idedepensa ang titulo sa ikatlong pagkakataon kasunod ng mga panalo kina Alfredo Santiago ng Dominican Republic at Yuriorkis Gamboa ng Cuba sa pamamagitan ng unanimous decision nito lamang nakalipas na Nobyembre 7 sa Hard Rock Live, Hollywood, Florida.
Gigil na muling makabalik ng boxing ring ang 22-anyos mula Victorville, California na muling napanatili ang WBC Silver lightweight title kontra kay Francisco Fonseca via 1st round knockout noong Pebrero 14, 2020 sa Honda Center, sa Anaheim, California.
Ang tanging pinakamatagal na knockout victory nito ay kay Noe Martinez Raygoza ng Mexico sa 1:45 ng huling round sa scheduled 8th round fight para sa WBC-NABF at WBO-NABO super featherweight titles. Ang tatlong decision victory nito ay nanggaling naman kina Mexican Christian Jesus Cruz, Jayson Velez ng Puerto Rico at Carlos Morales ng Mexico.