ni Gerard Peter - @Sports | July 12, 2021
Nasungkit ng Misamis Oriental Brew Authoritea ang unang panalo nito kasunod ng come-from-behind victory laban sa wala pa ring panalong Iligan City Archangels, 69-64, sa pagpapatuloy ng aksyon sa elimination round ng Chooks-to-Go Pilipinas Vis-Min Super Cup Mindanao division, Linggo ng hapon sa Provincial Gymnasium sa Ipil, Zamboanga Sibugay.
Mula sa 42-52 na kalamangan ng Archangels sa pagsisimula ng huling period, nagsimulang magtulong-tulong ang mga manlalaro ng Brew Authoritea upang paunti-unting ibaba ang kalamangan, hanggang sa tuluyang maagaw ito sa 6:14 sa 55-54 mula sa dalawang isinalpak na freethrows ni Francis Munsayac.
Dito hindi na hinayaan pa ng Misamis Oriental na mawala pa ang pagkakataon na panatilihin ang kalamangan matapos ang 10-puntos na abante ng Archangels. Pumukol ng magkakasunod na puntos sina Jayson Ballesteros, Ivan Meca, Joseph Sedurifa, at Munsayac para agawin ang leading score. Inunti-unting mas iangat pa ng Brew Authoritea ang kalamangan mula kina Reil Cervantes, Mark Sarangay, Sedurifa at Paul Sanga upang tuluyang kunin ang unang panalo.
“Iligan is younger than us. Hindi tayo pwedeng makipagsabayan sa kanila. I hope my players didn't get insulted pero sabi ko you are veterans, you are experienced, but you are not young anymore,” pahayag ni MisOr head coach Vis Valencia.
Nanguna sa opensa ng MisOr si Sedurifa na may game-high 16 points habang sumegunda si Andrew Estrella sa 13 puntos. Nanguna para sa Archangel si Wilson Baltazar sa 15 puntos, gayundin sina Arben Dionson sa 12 pts at Joel Lee Yu sa 10 pts.
Sunod na haharapin ng Brew Authoritea ang JPS Zamboanga City sa Sabado ng 2:00 ng hapon, habang target ng Iligan na makabawi sa Miyerkoles laban sa ALZA-Alayon 2:00 p.m.