ni Gerard Peter - @Sports | July 21, 2021
Napanatili ng Pagadian City Explorers ang katatagan ng mga manlalaro nito sa mga huling bahagi ng huling quarter upang malampasan ang matikas na MisOr Brew Authoritea, 81-75 kahapon, sa pagpapatuloy ng elimination round ng Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup sa Plaza Luz Gym, Pagadian City, Zamboanga del Sur.
Isinalpak ni big man Christian Manalo ang apat na mahahalagang free throws, habang kumamada ng mainit na three-point basket si Keanu Caballero sa mga huling minuto at segundo ng 4th period upang muling makabawi ang Explorers sa pagkatalo kontra tied-league-leader Clarin Sto. Nino nung Linggo ng gabi.
Humataw ng 16pts, 4rebs, 5 steals at 1 assist si Manalo habang rumehistro naman si Caballero ng 14pts 4rebs at 7 assists para iangat sa 4-1 panalo-talo kartada ang host team, at ibigay sa Brew Authoritea ang ikalawang sunod na pagkatalo. Nag-ambag naman ng 31pts sina Jeric Serrano, Mark Benitez at Von Dechos para sa Explorers. Kumana naman ng 16pts 2rebs at 3 assts si Ronjay Buenafe para sa MisOr
Sunod na makakalaban ng Pagadian ang ALZA-Alayon Zamboanga del Sur ngayong araw, Miyerkules, sa unang laro sa alas-2:00 ng hapon na susundan ng unbeaten na Clarin Sto. Nino laban sa Kapatagan Buffalo Braves sa main game sa alas-4:00 ng hapon. Kakaharapin naman ng MisOr ang undefeated na Jumbo Plastic Basilan Peace Riders sa darating na Biyernes, Hulyo 23 sa alas-6:00 ng gabi.
Samantala, nagtala ng isang dominanteng panalo ang Jumbo Plastic-Basilan Peace Riders ng araruhin ang Kapatagan Buffalo Braves sa record-setting na 118-84, nitong Lunes ng gabi sa main match, habang naibulsa ng Petra Cement-Roxas Vanguards ang kanilang ikalawang sunod na panalo ng higitan ang cellar-dweller at win-less na Iligan City Archangels, 84-79 sa 2nd game.
Kasunod ng naitalang highest scoring output na ginawa ng Misamis Oriental Brew Authoritea nung nakaraang Linggo, Hulyo 18 kontra sa parehong koponan na Buffalo Braves tungo sa 111-105 na panalo.