ni Gerard Peter - @Sports | May 29, 2021
Magsisilbing daan ang kauna-unahang professional league sa katimugan na Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup upang mas maipamalas at maipakita ng mga kabataan at homegrown talents mula Mindanao ang kanilang matayog na kaalaman pagdating sa pampalakasan.
Tatlong team owners mula sa Mindanao division ang nakakita ng pagkakataon upang maitulak pa rin ang larong basketball sa kanilang lugar, kahit na may nagaganap na krisis ng COVID-19 pandemic – na siya ring pamamaraan upang mas simulang palakasin at patatagin ang sports development sa kani-kanilang nasasakupan.
“I have no second thought. When the VisMin organizers presented to me the program, I immediately sought an audience with our Governor (Roberto Uy), then approved agad,” pahayag ni Roxas, Zamboanga del Norte May Jan Hendrick Vallecer sa weekly TOPS ‘Usapang Sports’ On Air. “Napakaganda ng programa. I also love and played basketball, pero hindi ko na itinuloy yung passion ko. Right now, nakikita ko maraming bata dito sa amin ang mahuhusay and through VisMin Cup, hopefully ito ang maging tuntungan nila para matupad yung pangarap nilang makalaro sa mataas na level ng kompetisyon,” ani Vallecer sa sports forum na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), PAGCOR at Games and Amusements Board (GAB).
Ganito rin ang paniniwala ni Iligan City Sports Director at team manager Amador Baller na iginiit na malaki ang maitutulong ng liga para higit na magpursige ang mga kabataan na ibalik ang kanilang atensyon sa sports.
“We’re proud of our team. Except on one player, lahat ng kinuha namin tagarito sa Iligan City. Maraming gustong makapaglaro ng high-level competition sa basketball pero walang mapaglaruan. With this VisMin Cup, tiyak marami tayong madidiskubre na talento rito,” sambit ni Baller.
Para naman kay Lance Samuel Co, team consultant ng Pagadian City Explorers, hindi pahuhuli sa talento sa aspeto ng sports ang Mindanao at napapanahon ang VisMin Cup para sa kanilang layuning maipakita ang galing ng Mindanaoan.
“Also, malaki ang maitutulong ng liga para maexposed ng Mindanao, lalo na dito sa amin sa Pagadian ang magagandang tanawin at world-class tourist destination.,” wika ni Co.