ni Gerard Peter - @Sports | June 01, 2021
Malaki ang posibilidad na magiging three-belt unification fight ang mega-bout battle sa pagitan ng nag-iisang eight division World champion Manny “Pacman” Pacquiao at WBC/IBF welterweight titlist Errol “Truth” Spence Jr., matapos magpahayag ang pamunuan ng World Boxing Association (WBA) na ibabalik nila ang “super” title belt ng Filipino boxing legend.
Sinabi ni WBA president Gilberto Mendoza na maaaring maibalik ang korona ng 42-anyos na Filipino Senator kasunod ng paglalagay dito bilang “Champion in Recess” nitong Enero, kasunod ng hakbang na ginawa ni MP promotions president Sean Gibbons na nagpadala ng pormal na liham upang hilinging maibalik ang titulo ni Pacman.
“(MP Promotions head) Sean Gibbons, who represents Manny, they’ve written a letter to be placed back in [as WBA “super” champion]. We’re working on it. There’s a high probability. It has to be run through a championship committee and voted before being taken to the president,” pahayag ni Mendoza sa TheBoxingVoice.
Mula sa naging desisyon ng WBA na pansamantalang hubaran ng titulo si Pacquiao (62-7-2, 39KOs), ipinasa ng pamunuan ang titulo kay dating “regular” champion Yordenis “54 Milagros” Ugas ng Cuba matapos mabigong maidepensa ng future Hall of Famer ang titulo na napanalunan laban kay Keith “One Time” Thurman noong Hulyo 20, 2019 sa 12-round split decision sa Las Vegas, dahil sa world pandemic.
Ayon pa kay Mendoza, pinilano rin ng WBA na itapat si Pacquiao kay Ugas, ngunit dahil sa magaganap na sagupaan nina Pacquiao at Spence (27-0, 21KOs) sa Agosto 21 sa Las Vegas, tila maiiba ang ihip ng hangin para kay Pacquiao. “Initially, the plan was for Ugas to fight Pacquiao,” saad ng 72-anyos na Venezuelan sports leader. “But now, the Spence fight was announced.”
Kasalukuyang mayg 3 kampeon sa WBA 147-pound division sa katauhan nina Pacquiao (Champion in Recess), Ugas (Super), at American Jamal James (27-1, 12KOs) na hawak ang regular title.