ni Gerard Peter - @Sports | June 23, 2021
James Delos Santos-IG james.de.los.santos
Nangangalahati pa lamang ang taon ngunit nalalapit nang malampasan ni dating two-time Southeast Asian Games medalist ang nakolektang gintong medalya noong isang taon, ng muli na naman itong maghari para sa kanyang ika-26th gold medal sa 2nd Euro Grand Prix eTournament.
Nagbulsa ng kabuuang 36 gold medals ang 31-anyos na dating national team member noong 2020, subalit patuloy itong nagtatamasa ng mataas na karangalan kasunod ng matagumpay na pagdaig kina Alfredo Bustamante (24.86) ng Miyagiken International Karate Academy ng Estados Unidos at Roland Hager (22.14) ng Karate Dojo DJK ng Germany sa elimination round. Tinapos niya ang e-kata individual male seniors category championship sa pamamagitan ng paggiba kay Domont Matias Moreno ng Karate-Do Biel Bienne ng Switzerland sa iskor na 24.84-24.62.
Naibulsa nina Bustamante at Ondrej Chocholaty ng Budo Plazen ng Czech Republic ang tig-isang bronze medals. Target ng Dela Salle University graduate na malampasan ang nakamit na 36 gold medals noong isang taon, kasunod ng pagkakakopo ng pagiging World No.1 sa e-kata male individual category.
Ito na rin ang ika-62nd gold medals ng 8-time Philippine National Games champion buhat ng lumahok ito noong isang taon sa e-kata tournaments kasunod ng pagbabawal sa face-to-face events dahil sa pagkansela dulot ng COVID-19 pandemic.
Bago rito ay natamo ni De Los Santos ang ika-24th at 25th na titulo nito ring buwan sa The Crown: International ENDAS Karate Trophy #2 at Sportsdata e-Tournament World Series.